MEDITASYON PRESKRIPSIYON SA BANSA

MASAlamin

MARAMI ang may maling pagkakaunawa sa meditasyon, ngunit sa ibang bansa ay gina­gamit na ito bilang part ng curriculum sa elementar­ya.

Ngayong mukhang ibababa na ang edad ng mga batang nasasangkot sa krimen na papatawan ng kapa-rusahan, mukhang akma na ngayon na ituro na rin sa mga paaralan ang meditasyon.

Napapanahon na nga ang pag-introduce ng meditasyon sa mga paaralan at siyempre, maging sa mga rehabilitation center sa bansa.

Malaki ang maitutulong nito upang lalo pang mapatalino ang mga mag-aaral at lalo pang maging pokus sa kani-kanilang pag-aaral.

Napapakalma kasi ng meditasyon ang diwa ng mga mag-aaral, at ang pagkatuto sa mga leksiyon ay mas maigting kapag relaxed, ika nga, ang mga estudyante.

Ito ay dapat na talagang ikonsidera sa curriculum ng DepEd dahil sa murang edad pa lamang ay mas mainam na ma-train ang mga bata sa paggamit ng meditasyon para sa pansariling kapakinabangan at pangkomunidad.

Maraming uri ng meditasyon, may napanood ako minsan sa Facebook na isang video kung saan ang isang rehab center naman sa bansa ay itinuturo ang ‘laughing meditation’ o ang pagtawa na nakaa­alis ng stress at nagpapaiba sa perspektibo ng mga pasyente nito.

Bukod sa mga pas­yente sa mga drug rehab center, ang iba’t ibang may mga karamdaman din ay maaaring makinabang sa mga benepisyo ng meditasyon. Sino ba naman ang ayaw ma-relax? Sino ba naman ang ayaw maalis ang kani-kanilang stress?

‘Yan ang bisa ng meditasyon. Mas magiging objective pa ang perspektiba ng sinumang nag-memediteyt.

Si Buddha noon ay nag-mediteyt din kung kaya nasumpungan niya ang mga solusyon sa mga pighati ng sangkatauhan.

Ang totoong Santa Claus ay isang monk naman na nagpraktis ng ‘laughing meditation’ habang namimi-gay ng mga regalo sa mga bata sa bawat lugar na kanyang binibisita. Pinaniniwalaang ang monk na ito ang ginaya ng karakter ni Santa Claus.

Napapanahon na at dapat na talagang ikonsidera ang gamit ng meditasyon sa ating bansa upang ma-sumpungan na ng lahat ng mamamayang Filipino ang kalinawang pangkamalayan.

Comments are closed.