MEDIUM FIRMS PASOK SA LOAN PROGRAM

LOAN

MAAARI na ngayong makautang ang medium-sized enterprises sa Covid-19 Assistance to Restart Enterprises (CARES) program ng Small Business (SB) Corporation na pinondohan ng Bayanihan to Recover as One (Bayanihan 2) Act.

Naglaan ang Bayanihan 2 ng  P10 billion para sa loan programs ng SB Corp. upang tulungan ang mga negosyo na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Nang unang ilatag ng SB Corp. ang programa, tumanggap lamang ito ng mga aplikasyon mula sa micro and small enterprises (MSEs).

Ang SB Corp., ang  financing arm ng Department of Trade and Industry (DTI), ay magsisimulang tumanggap ng loan applications para sa CARES 2 program sa Martes makaraang maantala ng bagyong  Quinta ang operasyon ng online loan application system.

Sa ilalim ng programa, ang mga negosyo na may minimum asset na P50,000 ay maaaring makautang ng P10,000; P40,000 sa mga may minimum asset na P200,000; P60,000 sa may minimum asset na P300,000; P80,000 sa may minimum asset na P400,000; at  P100,000 para sa mga negosyo na may minimum asset na P500,000.

Para sa mga negosyo na may minimum asset na P750,000 at minimum annual sales na P1 million, maaari silang makahiram ng P150,000.

Samantala, maaari namang magpautang ang SB Corp. ng P200,000 sa mga negosyo na may minimum assets na P1 million at minimum yearly sales na P1.5 million.

Sa halip na loan interest, ang SB Corp. ay mangongolekta lamang ng service fees na 4 percent para sa loans na may one-year term, 6 percent sa two-year loans, at  7.5 percent para sa three-year loans.

Magbibigay rin ito ng grace period na tatlo hanggang anim na buwan bago magsimulang magbayad ng loan ang borrower.

Comments are closed.