MUNTINLUPA CITY – NASUNOG ang isang gusali sa medium security compound ng New Bilibid Prison (NBP) na siyang pagawaan ng mga handicraft ng mga bilanggo.
Ayon sa mga residente na katabi ng nabanggit na gusali, nagsimula ang sunog dakong alas-2 ng madaling araw nang makarinig sila ng pagsabog at sinundan ng usok na lumakas at umabot sa ika-4 na alarma ayon sa mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Imbakan ng mga materyales na madaling magsiklab gaya ng mga kogon na ginagamit sa paggawa ng mga basket, mga papel at goma, ang nasunog sa loob ng gusali na nagsilbing gatong sa nasabing sunog.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente dahil wala pang mga bilanggo sa nasabing pagawaan ng handicrafts na karaniwan ng nagsisimula ang operasyon dakong alas-7 ng umaga araw-araw.
Hinigpitan ang seguridad sa loob at labas ng Bilibid na maaaring samantalahin ng mga nagbabalak tumakas na preso kaya’t binilang ang mga pumapasok at lumalabas na tauhan ng BFP at iba pang tauhan nito na nagtulong para sawatain ang apoy sa naturang lugar na hinihinalang nagmula sa faulty electrical wiring. BENJARDIE REYES
Comments are closed.