TINAPYASAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ng 20 percent ang medium-term export projections nito mula sa $130 billion target sa $103.9 billion sa 2022 sa gitna ng epekto ng COVID-19 pandemic sa mga industriya sa bansa.
Sa pagbabawas sa export growth target na itinakda sa Philippine Export Development Plan (PEDP) 2018-2022, kinilala ni DTI Secretary Ramon M. Lopez ang hirap na matamo ang orihinal na target dahil sa pagsasara ng mga negosyo sa gitna ng pandemya.
“Given that the COVID-19 disrupted several business models, it will be difficult to go achieve our pre-pandemic targets. Hence, we had to adjust our projections based also on the various inputs from industry stakeholders,” wika ni Lopez.
Aniya, ang travel goods, garments, at wood-based industries ang pinakaapektado dahil sa mahinang global demand at sa pagbaba ng produksiyon sanhi ng COVID-19 restrictions.
“The new projection can also be viewed as a fighting target for DTI, given the challenges of the pandemic and the emergence of new strains, and given that this is higher than the US$86 billion set by the Development Budget Coordination Committee (DBCC),” ani Lopez.
Sa pagtaya ng DTI, ang goods and services exports para sa 2020 ay bababa ng 14.7% sa $80.5 billion. Ang exports ng bansa ay lalago naman ng 12.4% sa $90.5 billion sa 2021, at ng 14.8% sa $103.9 billion sa 2022.
Inatasan ni Lopez ang DTI-Export Marketing Bureau (DTI-EMB) na repasuhin ang targets sa harap ng malaking pagbabago sa global business environment.
Ang electronic products ang bumubuo sa mahigit kalahati ng Philippine exports. Sa pagtaya ng SEIPI, ang asosasyon nito, maitatala ang -7% growth para sa 2020 at ang +7% growth sa 2021. Karamihan sa electronics exports na ito ay semiconductors.
Samantala, ang Philippine services exports ay naka-base sa market intelligence forecasts na 17.1% sa 2020, 11.0% sa 2021, at 14.8% sa 2022. Kinokonsidera rin ang pagtaya ng Information Technology and Business Process Association of the Philippines’ (IBPAP) na -0.5% growth para sa 2020 at ang 3.5% sa 2021.
Para sa 2020, apat na industriya ang nakikita ng DTI na magkakaroon ng positive growth rates sa pagtatapos ng taon. Ang mga ito ay ang vehicle auto parts (15.4%), other minerals — mostly copper and nickel ore (29.9%), other fruits and vegetables (8.6%), at basketwork (28.3%).
Ayon kay Lopez, ang DTI ay magpopokus sa mga industriya na may malaking oportunidad tulad ng mga nasa high value electronics, automotive at e-vehicles parts, processed food, minerals, other minerals, IT-BPM, at creatives.
Makikipagpulong din ang DTI-EMB sa mga stakeholder upang pinuhin ang sectoral targets at strategies.
“A whole-of-nation approach and a stronger support to the private manufacturing and services industries and academe collaboration are needed to work on achieving the fighting targets set,” dagdag ng kalihim.
Comments are closed.