DINEPENSAHAN ni ‘House Ways and Means chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda, ang katatapos aprubahan ng Kamara na panukalang ‘2022-2028 Medium-Term Fiscal Framework’ (MTFF) bilang tamang hakbang alinsunod sa ‘international best practices’ sa pagbalangkas ng mga panuntunan at batas.
Si Salceda ang nag-’sponsor’ ng ‘House Resolution No. 2’ sa talakayan ng Kamara. Inilarawan niya itong “‘codification’ ng kasunduan ng pamunuang Marcos at ng bayang Pilipino sa mga pangunahing layunin sa ekonomiya at pananalapi, at ito ay tama at magandang hakbang kaugnay sa nalalapit na talakayan sa badyet ng pamahalaang nasyunal.”
Nakapaloob sa MTFF ang mahahalagang layunin sa ekonomiya at pananalapi na magiging “gabay sa paglikha ng mga kailangang batas ng Kongreso. Inilalahad nito ang ‘near-term socio-economic agenda na patuloy na magpapatupad ng mga “risk-managed interventions” sa seguridad sa pagkain, enerhiya, transportasyon, pananalapi, kalusugan, proteksiyon ng mga mamamayan at mabisang burukrasiya.
Ayon kay Salceda, titiyakin ng MTFF ang patuloy at walang sagabal na mga ayuda sa mga mamamayan, pagpapagaan sa pagtaas ng ‘inflation’ o pagmahal ng mga bilihin, pagpapabilis sa pagbangon ng ekonomiya at pagtugon sa kaugnay nitong mga hamon. Layunin din nitong magsilbing ‘medium-term socio-economic agenda’ na lilikha ng higit na marami at may kalidad na trabaho para sa mga Pilipino.
Ganito ang isinasaad ng House Resolution No. 2: “Ang malapit na nakaraan at ang pandemyang COVID-19 ay lubhang sinalasa ang ating ‘macroeconomic environment’ at nag-iwan ng mga hamon at dagok mula sa labas. Sumirit ang ‘inflation’ nitong nakaraang mga buwan dahil sa mataas na pandaigdigang presyo ng langis at iba pang sadyang kailangang mga bilihin.”
“Bagama’t naging matatag ang pagsulong ng ekonomiya natin na ipinakita ng ‘2022 first-quarter gross domestic product (GDP)’ na 8.3 porsiyento (%), patuloy ang pagbangon natin mula sa dagok ng pandemya sa gitna ng higit na pinatingkad na walang katiyakan sa kapaligiran ng pandaigdigang ekonomiya,” dagdag nito.
Sa ilalim ng 2022-2028 MTFF, ang adyenda ng lehislatura ay nakatuon sa mga sumusunod na target: 1) 6.5-7.5% totoong pagtaas ng GDP ngayong 2022; 2) 6.5-8% taunang pagtaas ng GDP sa 2023 hanggang 2028; 3) pagbaba sa 9% ng kahirapan sa 2028;
4) 3% ‘National Government deficit to GDP ratio’ sa 2028; 5) mababa sa 60% ‘National Government debt-to-GDP ratio’ sa 2025; at 5) pinakamababang $4,256 pangkabuuang taunang kita ng bawat mamamayan (katumbas ng P241,992) para maituring na ‘upper middle-income’ ang bansa.
Ayon kay Salceda, nakahanda ang Kamara na “gawing prayoridad ang mga panukalang batas na naaayon sa ‘long-term socioeconomic vision’ na nakapaloob sa AmBisyon Natin 2040, at sa 2022-2028 MTFF “para sa higit na masagana nating lipunan.”
Sinabi niyang ito’y naaayon din sa pagtupad ng pangkalahatang katatagan at pagsulong ng ekonomiya, habang patuloy namang naitatalaga ang mga yamang kailangan para sa kalusugan, pagkain at panlipunang seguridad, tamang pangangasiwa sa mga hamon ng mga disgrasiya, ‘digital economy,’ tulong sa mga pamahalaang lokal, pakikisali ng pribadong sektor, at mga pangkaunlarang gastusin.”
“Matutupad ang mga layuning ito, ngunit kailangan natin ang akmang balangkas ng badyet para makamit ang target natin ngayong taon at sa susunod na mga taon, diin ng mambabatas na isa ring kilalang ekonomista.
“Kailangan din nating makalikom ng sapat na pondo sa pamamagitan ng mga reporma sa buwis at higit na pinaigting at pinabisang koleksiyon nito, at lalong mahusay na pagpapatupad ng batas. Ang inaasahan nating magaganap sa likod ng MTFF ay matamo ang 17.6% ‘revenue-to-GDP ratio’ sa 2028,” dagdag niya.
Ayon kay Salceda, kasalukuyan na siyang nakikipag-ugnayan at nakikipag-usap sa mga ‘economic managers’ ng administrasyon kaugnay sa mga batas sa buwis “na ipagpapaliban muna ang pagpapatupad nito sa sandaling humigit na ang bilis ng pagsulong ng ekonomiya kaysa sa pagsulong nito bago ang pandemya.” Sa kanyang ‘MTFF sponsorship speech, sinabi niyang ito ay naaayon sa ‘international policy-making best practices.”