STATEMENT OF SEN. BONG GO:
Inanyayahan ni dating pangulong Gloria Arroyo, sa pamamagitan ng kanilang mga staff, sa isang impormal na pagkikita si dating pangulong Rodrigo Duterte na nasa Maynila noong panahong iyon. Nagkataong magkasama kami ni Tatay Digong noon matapos ko siyang samahan sa kanyang medical check up sa hospital, gaya ng dati kong ginagawa sa kanya.
At dahil bihira lang naman na pumunta sa Maynila sa ngayon si dating pangulong Duterte, sumabay na rin sa pagkikitang iyon, sa tulong ni dating executive secretary Salvador Medialdea, si dating Senate president Tito Sotto na gusto ring makamusta ng personal ang kanyang itinuturing na kaibigan na si Tatay Digong.
Isang simpleng kamustahan at masayang pagkikita ang nangyari kasama ang mga pinunong naglingkod sa bayan sa iba’t ibang posisyon o kapasidad noong mga nakaraang administrasyon. Nagbalik-tanaw sila sa mga panahong nagkasama sila sa gobyerno.
Sa nasabing pagkikita, kinukumbinsi din ni dating pangulong Arroyo si dating pangulong Duterte na maging aktibo muli sa pulitika.
Sabi ko nga, magkaiba man ng pinanggalingan, iba’t iba man ang hinawakan nilang posisyon sa gobyerno, iisa lang ang kanilang hangarin—ang paglingkuran ang sambayanan.