MEGA-HEMODIALYSIS CENTER MALAKING TULONG SA MGA PINOY NA MAY SAKIT SA BATO

PINANGUNAHAN kahapon ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang groundbreaking hemodialysis center sa bansa sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City.

Aniya, malaking tulong sa milyon-milyong Pilipino na may mga sakit sa bato ang naturang pasilidad.

“Today, we are not just building an edifice. We are laying the foundation for hope, modern healthcare, and better quality of life for millions of Filipinos suffering from kidney ailments,” pahayag ng pinuno ng mahigit 300 na mambabatas ng Mababang Kapulungan.

Tinatayang mahigit sa isang milyong Pilipino ang nagdurusa sa sakit sa bato.

Kinakailangan nilang sumailim sa dialysis hanggang sa makatagpo sila ng donor para sa isang kidney transplant kundi ay mas lalong lalala ang kanilang karamdaman.

“Malaki ang magiging epekto ng proyektong ito sa buhay ng ordinaryong Pilipino. Hindi na nila kailangang bumiyahe ng malayo o kaya’y maghanap ng malaking halaga para lang makapagpagamot. Dito, sila’y magkakaroon ng access sa modernong pasilidad at de-kalidad na serbisyo para maibsan ang kanilang karamdaman,” ani Romualdez.

Kanyang binalik-tanaw na ang NKTI ay kabilang sa mga specialty hospitals na itinayo sa ilalim ng unang administrasyong Marcos ng kanyang tiyahin na noon ay First Lady Imelda Romualdez Marcos, at ang iba pa ay ang Heart Center, Children’s Medical Center at ang Lung Center.

Ayon kay Romualdez, ang pinapangarap na 13-story NKTI Hemodialysis Center ay bahagi ngayon ng Legacy Specialty Hospital Project ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

“Ang bawat dialysis machine na gagamitin dito ay katumbas ng buhay na maaring masagip, pamilyang magkakaroon ng pag-asa, at mga pangarap na maari pang matupad,” wika ng Speaker.

“Ang Hemodialysis Legacy Building na ito ay patunay na patuloy ang misyon ni Pangulong Marcos, Jr. na bigyan ng de-kalidad na serbisyo ang bawat Pilipino sa larangan ng kalusugan at medisina,” patuloy ni Romualdez at kanyang pinasalamatan ang Pangulo.

Ang mga dumalo sa nasabing okasyon ay sina House Appropriations Committee chairman Ako Bicol Rep. Zaldy Co at Deputy Majority Leader Janette Garin, mga opisyal ng Quezon City sa pangunguna ni Vice Mayor Gian Carlo G. Sotto, Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel M. Bonoan, Department of Health (DOH) officials, and NKTI officers sa pangunguna naman ni Executive Director Dr. Rose Marie Rosete-Liquete.
JUNEX DORONIO