MAGSASAGAWA ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ng mega job fair sa iba’t ibang panig ng bansa upang makapagbigay ng mas malawak na oportunidad sa trabaho para sa mahihirap na Filipino.
Katuwang ng PCUP sa programang ito ang Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) bilang bahagi ng selebrasyon ng Urban Poor Solidarity Week (UPSW) ngayong taon.
Ayon kay PCUP President and CEO Alvin Feliciano, ihahatid ng PCUP ang nasabing mega job fair sa SM City Cabanatuan, Nueva Ecija ngayong araw na lalahukan ng iba’t ibang kompanya na may alok na napakaraming trabaho, lokal man o internasyunal.
Sa Disyembre 17 ay muling isasagawa ng ahensiya ang nasabing job fair sa Cuneta Astrodome sa Pasay City kung saan inaasahan na mas maraming Pinoy ang makikinabang sa mga trabahong iaalok ng mga kompanyang kapartner ng PCUP, gayundin ng iba pang mga ahensiya ng pamahalaan na handa ring magpaabot ng serbisyo sa taumbayan.
Nabatid na nakipagtulungan na ang PCUP sa iba pang mga ahensiya ng gobyerno na magbibigay rin ng kani-kanilang mga serbisyo para sa darating na job fair gaya ng membership registration mula sa PhilHealth; issuance ng SS number at pre-screening para sa UMID application mula sa Social Security System; PSA Serbilis ng Philippine Statistics Authority; aplikasyon ng tax identification number (TIN) sa Bureau of Internal Revenue; information dissemination ng Mega Job Fair schedules at mga serbisyo nito sa tulong naman ng Philippine Information Agency; NBI Clearances on Wheels Services na dala ng National Bureau of Investigation; membership registration at issuance of Loyalty Card ng Pag-IBIG; scholarship programs handog ng Technical Education and Skills Development Authority; livelihood programs mula sa Department of Trade and Industry; at Passport on Wheels mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Matatandaang nito lamang Disyembre 2 nang pangasiwaan ng PCUP- Field Operations Division (FOD) for Visayas ang unang mega job fair na ginanap sa Cebu Coliseum, Sanciangko Street, Cebu City at noong Disyembre 4 ay pinangunahan naman ng FOD for Mindanao ang pagsasagawa ng isa pang mega job fair sa Activity Center ng NCCC Mall, Buhangin, Davao City.
Libo-libong residente na walang trabaho ang lumahok sa nasabing job fair na talaga namang ikinatuwa ng mga ito dahil marami sa kanila ang na-hire on-the-spot. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.