MEGA JOB FAIR SA PASAY INILUNSAD

NAGSAGAWA ang lokal na pamahalaan ng Pasay ng mega job fair na layuning mapagkalooban ng pagkakataon o oportunidad ang mga bagong college graduates mula sa City University of Pasay (CUP).

Nabatid na 51 lokal na kompanya ang lumahok sa mega job fair na ginanap mula alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon sa Music Hall ng SM Mall of Asia (MOA ) nitong Biyernes.

Bukod pa sa mga lokal na kompanya na nakilahok sa mega job fair, ilan sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng National Bureau of Investigation (NBI), Social Security System (SSS), Pag-Ibig, at Philhealth at naglagay din ng one-stop-shop sa lugar upang matulungan ang mga naghahanap ng trabaho na makakuha agad ng kanilang kakailanganing requirements para sa kanilang pag-aapply sa mega job fair.

Aabot sa 3,500 na iba’t-ibang posisyon sa trabaho ang iaalok ng mga kalahok na kompanya para sa nagbabakasakaling matanggap na mga aplikante.

Nabatid na nasa 1,270 na mga bagong gradweyt ng CUP ang lumahok din sa naturang mega job fair na maaaring matanggap sa kanilang unang trabaho makaraan ang kanilang pagtatapos sa pag-aaral.

Hindi lamang mga bagong gradweyt sa CUP ang lumahok sa job fair kundi pati na rin ang mga dati pang naghahanap ng trabaho at mga bagong gradweyt din sa ibang paaralan ang nag-apply na naaayon sa kursong kanilang pinagtapusan ng pag-aaral.

Ang mga nag-apply na residente sa lungsod ang binigyan ng prayoridad na alinsunod sa ordinansa na ipinasa ng Sangguniang Panglungsod na 60 porsiyento ng mga aplikante ang prayoridad na mapagkalooban ng trabaho habang ang natitirang 40% ay mga aplikante na nagmula sa iba’t-ibang lugar.

Ang mega job fair at proyekto nina Congressman Antonino ‘Tony’ Calixto, Mayor Emi Calixto-Rubiano at ng Pasay Employment Services Office (PESO). MARIVIC FERNANDEZ