MULING itinakda ang groundbreaking para sa Mega Manila Subway sa huling bahagi ng Pebrero, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Sinabi ni DOTr Sec. Arthur Tugade na isasagawa ang groundbreaking sa Pebrero 26 kasunod ng pagpunta ng mga transport official sa Japan sa susunod na linggo para pabilisin ang konstruksiyon ng rail system.
Si Tugade ay aalis sa Martes upang inspeksiyunin ang boring machine sa Tokyo, pagkatapos ay lilipad sa Osaka para sa high-level meeting sa Japanese officials.
“Alam mo, ako, ‘pag mag-set ng deadline tsaka schedule, gusto ko ‘yung maigsi, pinahihirapan ko sarili ko… Tapusin ko ng February 26 ‘yan,” ani Tugade.
Ang groundbreaking ng Mega Manila Subway ay naunang itinakda noong Disyembre 2018 subalit hindi ito natuloy kaya muli itong ikinalendaryo sa kalagitnaan ng Enero 2019.
Ayon kay Tugade, naantala ang groundbreaking dahil sa conflict of schedules sa Japanese officials. Ang ¥104.530-billion o P51-billion project ay popondohan sa pamamagitan ng loan agreement sa Japan International Cooperation Agency (JICA).
Sinabi naman ni Transportation Assistant Secretary Goddes Libiran na bagama’t naantala ang groundbreaking, ang konstruksiyon ay mas maaga sa iskedyul.
“Originally, subway is supposed to start in Q4 2019. However, we were able to fast track. That’s why we’re inaugurating it this early,” aniya.
Nakapaloob sa 30-kilometer project ang pagtatayo ng 14 train stations mula sa Mindanao Avenue sa Quezon City hanggang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Parañaque City.
Kapag natapos ang proyekto sa 2025 ay magiging 40 minuto na lamang ang biyahe mula sa Quezon City patungo sa NAIA.
Ang Mega Manila Subway ay kabilang sa 75 flagship projects ng administrasyong Duterte na tinatayang magkakahalaga ng hindi bababa sa P1.58 trillion.
Comments are closed.