QUEZON CITY – AABOT sa P500,000 ang halaga ng natupok sa Mega Q Mart o dating Nepa Q Mart sa Cubao kahapon ng madaling araw.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection-Quezon City, umabot sa ikaapat na alarma ang antas ng sunog kung saan natupok ang harapang bahagi ng nasabing palengke.
Nagsimula ang sunog pasado alas-4 ng madaling araw sa kisame ng isang stall sa dry goods section na nakaharap sa EDSA.
Batay sa ulat, nasa 20 stalls o 25 porsiyento ng palengke ang nasunog bago naapula ang apoy makalipas ang dalawang oras.
Kabilang din sa naapektuhan ang mga opisina sa palengke at outpost ng pulisya.
Sinabi ng BFP na posibleng sumiklab ang apoy dahil sa nabasang linya ng kuryente.
Bunsod ng trahedya ay apektado ang daloy ng trapiko sa nasabing lugar. CAMILLE BOLOS