SINABI ng Government Service Insurance System (GSIS) na isang higanteng transport hub na mas malaki sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang itatayo sa three-hectare property nito sa Quezon City.
Ayon sa GSIS, ang transport hub na tinawag na ‘Project Hub’, ay matatagpuan sa panulukan ng Elliptical Road at Commonwealth Avenue.
Sinabi ni GSIS President Wick Veloso na ang transport hub ay inaasahang magiging isang “world-class intermodal transport hub that is a well-organized, modern facility that streamlines the bus travel experience, focusing on efficiency, passenger comfort, and seamless connectivity with other transport modes.”
Pagsapit ng 2027, inaasahang palalakasin ng hub ang access sa mga kalapit na Philcoa Station ng Metro Rail Transit-7 (MRT-7) kapag nagsimula na itong mag-operate mula North Triangle Common Station sa North Edsa hanggang San Jose del Monte sa Bulacan.
“Our property in Quezon City is centrally located and accessible, positioned in a location that maximizes connectivity with the city and surrounding regions,” sabi ni Veloso.
Sinabi ng GSIS na nagpulong sina Veloso, Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, Metropolitan Manila Development Authority Chair Romando Artes, at Quezon City Mayor Joy Belmonte noong nakaraang Okt. 15 upang talakayin ang proyekto.
Ang DOTr, sa tulong ng World Bank, ang magpaplano, magtutustos at magpapatupad sa intermodal transport hub habang magsasagawa ang MMDA ng feasibility study sa traffic management at basic engineering design.
Samantala, ang Quezon City government, bilang host city sa proyekto, ang mag-aapruba ng permits na kinakailangan ng proyekto.
Habang isinasagawa ang DOTr-led studies at preparatory designs, ang GSIS, MMDA at Quezon City government ay magkakaloob ng karagdagang parking sa GSIS property para sa general public.
Ang plano ay ang maghanda ng 300 temporary parking slots sa lugar habang hinihintay matapos ang permanent development.
“The GSIS unwavering focus is to serve our members and pensioners, ensuring that their needs are met with integrity and excellence, with the best customer experience. Through the Board of Trustees’ approval and guidance, the GSIS will continue to support the Project Hub which has a pivotal role to serve them better. As long as there is provision of their needs, we will affirm our commitment to advancing this sustainable initiative,” ani Veloso.