MEHAN GARDEN IPAGAGAMIT SA MGA MAG-AARAL

Mehan Garden

BUBUKSAN na muli ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang Mehan Garden sa Lawton para sa mga estud­yante ng Unibersidad de Manila (UDM) bilang extention ng kanilang unibersidad.

Ito ang isa sa inanunsiyo ni Manila Ma­yor Isko Moreno sa kanyang capital report.

Ayon kay Moreno, sa kanyang pag-iikot sa nasabing parke, napansin niya na hindi ito napapakinabangan nang mga estudyante dahil naka-kandado ang lahat ng gate nito.

Dito  napag-alaman ng alkalde na ang pagsasara sa parke ay dahil sa mga ginagawang pagba-vandal at pagsira sa palikuran at may nahuli umanong gu­magawa ng kahalayan  o  nagse-sex sa loob ng banyo.

Nakiusap naman ang alkalde sa mga UDM students na inga­tan ang parke sa sandaling buksan ito muli  upang mabigyan sila ng pagkakataon na magkaroon ng espasyo, malilim na lugar dahil ang mga puno sa parke ay may 100 taon na.

“Sa loob ng isa hanggang dalawang linggo mula ngayon  ay muling ibabalik sa mga estudyante ng UDM ang Mehan Garden”.

Maging ang fountain sa gitna ng parke ay bubuhayin din upang maibalik ang dating ganda at ayos ng parke.

Samantala, papayagan din ni Moreno ang mga senior citizen na mag-zumba za parke upang sila ay mabigyan ng sariwang hangin  at ligtas na lugar. PAUL ROLDAN