AGUSAN DEL NORTE- NASAKOTE ng mga awtoridad ang isang mekaniko matapos makuna ng P2.3 milyong halaga ng shabu sa isinagawang drug operation sa Butuan City.
Batay sa report ng pulisya, ang suspek ay nakilalang si Rey Flores Reponte, alyas ‘Iring’, 43-anyos at residente ng City Montalban St., Purok 4, Brgy. Villa Kananga, Butuan City.
Ayon sa ulat ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU)- 13, bandang alas-2:25 ng umaga nang salakayin ang bahay ng suspek sa nasabing lugar.
Nasamsam ng mga operatiba mula sa suspek ang 350 gramo ng shabu na nakabalot sa malaking plastik at 11 pakete na nakalagay sa maliit na plastik at tinatayang aabot sa halagang P2,380,000.00.
Sinabi ng pulisya, nag-ugat ang operasyon laban sa suspek matapos makatanggap ng report hinggil sa iligal na aktibidad nito.
Nakatakdang sampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act 2002.
EVELYN GARCIA