ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang paglikha ng mekanismo na makatutulong sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs), kabilang ang mga startup, upang mabilis na mailunsad ang kanilang mga negosyo kasunod ng ulat na patuloy na nagiging balakid sa pamumuhunan ang red tape.
“Hinihiling natin sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) na magsumite ng panukala kung paano natin matutulungan ang mga MSME at mga startups sa paglulunsad ng kanilang negosyo,” sabi ni Gatchalian sa isang deliberasyon ng Senado kamakailan sa panukalang pondo ng ARTA para sa susunod na taon.
Sinabi ni Gatchalian na sa kabila ng pagsasabatas ng Republic Act 11032, o ang Ease of Doing Business at Efficient Government Service Delivery Act, nananatiling nahuhuli ang bansa kumpara sa karamihan ng mga ekonomiya sa buong mundo pagdating sa ‘ease of doing business.’
Sa katunayan, patuloy, aniya, na nananawagan ang mga lokal na grupo ng negosyo para sa mga hakbang na higit pang magpapadali at magpapababa sa gastos ng pagnenegosyo sa bansa.
“Ang mga sentimyentong ito ay nakakaapekto sa reputasyon ng bansa kaya kailangan nating tulungan ang mga MSMEs sa bansa sa pamamagitan ng ARTA o sa pakikipagtulungan sa ibang mga departamento,” aniya.
Ipinunto pa ng senador na ang bansa ay kailangang magtatag ng isang plataporma kung saan maaaring magtatag ng kani-kanilang negosyo ang mga startup.
“Kailangan nating bigyan ng kapangyarihan ang mga MSME at mga startup upang makatulong sila sa pagsulong ng paglago ng ekonomiya,” dagdag ni Gatchalian.
Sinabi ng ARTA na nagsusulong ito ng isang memorandum of agreement sa Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Information, Communications and Technology (DICT) upang padaliin ang proseso at bawasan ang mga regulatory burdens para sa MSMEs at magtatag ng isang digital one-stop shop platform para sa mga business permit at mga lisensiya.
Inaasahang babawasan nito ang mga hakbang o proseso sa pagtatatag ng negosyo at mapadali ang transaksiyon para sa mga permit at lisensya.
Sa kasalukuyan, 112 local government units pa lamang ang ganap na nagpatupad ng Electronic Business One Stop-Shop (eBOSS) system. Sa ilalim ng RA 11032, lahat ng LGUs ay dapat magtatag ng eBOSS pagdating ng Hunyo 2021.
Ang sistema ng eBOSS ay naglalayong pagsama-samahin ang mga hakbang o proseso sa iisang online platform, na magpapabilis sa pagproseso at magbabawas sa mga paulit-ulit na requirements. VICKY CERVALES