MEKANISMO PARA SA SALT INDUSTRY PINAGAGANA NA NG BFAR

WEST PHILIPPINE SEA-BFAR

PINAGAGANA  na ngayong taon ng BFAR ang mga mekanismo para sa pagpapatupad ng P100 milyon halaga ng pondo para sa development program para sa industriya ng asin.

Sa Laging Handa public briefing sa Malacanang, sinabi ni Nazzer Briguera, chief Public Information Officer ng BFAR, na noong isang taon ay pinondohan na ang development program para sa salt industry.

Layunin ng programang ito na gawing self sufficient sa supply ng asin ang bansa para hindi na kailanganin pang umangkat nito.

Aminado si Briguera na sa nakalipas na maraming taon ay hindi natutukan ng pamahalaan ang industriya ng asin na sa katunayan ay walang datus ang Philippine Statistics Authority (PSA) para maipakita kung ano ang takbo ng salt industry kaya bahagi ng ipatutupad na intervention ng gobyerno ay ang magkaroon ng komprehensibong datus upang maiakma ang hakbang o programang ipatutupad para matulungan ang industriya.

Saklaw ng programa ang pagbibigay ng makabagong kagamitan sa Regions 1, 6 at 9 kung saan may mga gumagawa ng asin, maliban pa sa pagkakaloob sa kanila ng kaalaman o tamang kasanayan sa paggawa ng asin.

Tinatayang nasa 30 grupo ng mga mag-aasin o higit 100 benepisaryo ang inaasahang makikinabang sa programa para sa industriya ng pag- aasin. Beth C