MEL TIANGCO NAG-RENEW NG KONTRATA SA KAPUSO, TULOY ANG SERBISYONG TOTOO

MEL TIANGCO

TULOY ang commitment sa Serbisyong Totoo ng GMA News pillar at multi-buzzdayawarded broadcast journalist na si Mel Tiang­co sa pagre-renew niya ng kanyang kontrata sa network kamakailan lamang.

Isang loyal Kapuso mula pa noong 1996, isa ring anchor si Mel sa flagship newscast ng GMA na 24 Oras at siya rin ang host ng award-winning drama anthology “Magpakailanman.” Bukod dito, siya ang nagsisilbing founder at ambassador ng GMA Kapuso Foundation, ang socio-civic arm ng Network.

Ibinahagi ni Mel kung gaano siya nagpapasalamat sa management ng network at inaasahan niya ang mas marami pang taon sa pagbibigay ng “Serbisyong Totoo.”

“Walang sawa ang aking pagpapasalamat sa GMA dahil sa mahigit dalawang dekada naming pagsasama ay walang sawa rin ang mabuting pakikitungo nila sa akin. And I always thank the Lord na patuloy akong binibigyan ng lakas upang makapagsilbi at makapagbahagi ng aking kakayahan sa mga Kapuso. I hope and pray na magtuloy-tuloy pa ang pagtitiwala at pagmamahal nila sa akin sa mas marami pang mga taon,”  pahayag ng veteran broadcaster.

Ibinahagi rin naman ni Atty. Felipe Gozon  kung gaano kasuwerte ang GMA sa pagkakaroon ng tulad ni Mel bilang isang Kapuso.

“Alam naman ng lahat kung gaano kagaling si Mel Tiangco as an anchor. Hindi lang sa news, pati na rin sa top-rating program na Magpakailanman. At ‘yung kanyang sincerity na makapagserbisyo sa mga tao sa Kapuso Foundation ay talagang hindi mo maku-question. Kaya naman talagang we are lucky to have Mel Tiangco with us,” sabi niya.

Naroon sa contract signing ang GMA Network Chairman and CEO na si Atty. Felipe L. Gozon, President and COO Gilberto R. Duavit, Jr., EVP and CFO Felipe S. Yalong, and SVP for News and Public Affairs Marissa L. Flores. Kasama rin sina Vice President for Corporate Affairs and Communications Angela Javier Cruz at Assistant Vice President for Corporate Communications Jojo Aquino.

PRODUCER NG ‘MALVAR’ PINANGALANAN ANG MGA POSIBLENG SUSUNOD NA PANGULO NG BANSA

WALANG pasubaling pinangalanan ni Jose Malvar Villegas, Jr., producer ng pelikulang “MALVAR” na tumatalakay sa buhay ng Pambansang Bayani na si Hen. Miguel Malvar, at founder ng Citizen Crime Watch (CCW) ang kanyang mga napipisil na susunod na pangulo ng bansa. Ipinahayag niya na upang buhayin muli ang ugat ng kalayaan at demokrasya sa Filipinas ay dapat ipadama sa bansa na nagsimula ang Republika ng Pilipinas sa makasaysayang lalawigan ng Cavite noong itanghal si Hen. Emilio Aguinaldo bilang kauna-unahang Pa­ngulo ng 1898 Republika ng Pilipinas.

Sa isang talumpati bilang guest speaker ng National Annual Assembly at 27th Foundation Day Anniversary ng CCW na idinaos sa Imus Cavite, sinabi ni Villegas, Manananggol ng Bayan Awardee ng Marcelo H. Del Pilar Plaridel Journalist Award, na pagkatapos ng pagka-presidente ni Manuel L. Quezon ay wala nang sumunod na Presidente na galing sa Katagalugan at noong nakamit ang kalayaan sa kamay ng mga mananakop na Amerikano noong July 4, 1946, wala nang sumibol na na­ging Pangulo na galing sa Region 4 na sumasakop sa Batangas, Cavite, Laguna, Quezon at Rizal.

Sabi ni Villegas, apo ni Hen. Malvar na humalili kay Hen. Aguinaldo bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas noong 1900 pagkatapos mabihag ng pangkat ng mga Amerikano sa 1899-1902 Digmaang Pilipino-Amerikano, na marami sa naninirahan sa Katagalugan ang maikokonsiderang maging Presidente at ito ay ang ilang lider  tulad nina Gov. Hemilando Mandanas ng Batangas, Gov. Jonvic Remulla ng Cavite, Sen. Pampilo Lacson ng Cavite at Mayor Isko Moreno ng Manila.

Idinagdag ni Villegas, na imumungkahi niya ito sa Labor Party Philippines (LPP) a.k.a Workers and Peasant Party (WPS) na kung saan ay siya ang Chairman-President, na sa kanilang National Directorate Assembly sa darating na Labor Day sa May 1 ay isalang sa pag-uusap na itong apat (4) na lider ng Katagalugan ay siyang pagpipilian bilang kandidato ng LPP sa pagka-pangulo sa susunod na halalan ng 2022.