MEMO NG MICP-CIIS CHIEF IBINASURA

MISTULANG ibinasura ng Manila International Container Port (MICP) ang memo na ipinadala ng MICP- Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) para sa agarang pagsasagawa ng pagsisiyasat sa daan-daang container vans na nagmula sa China.

Ang memo ay ginawa ni MICP-CIIS Chief Alvin Enciso na ipinadala kay MICP District Collector Romeo Rosales para isagawa ang inspeksiyon sa mga kuwestiyonableng container van na napakarami ng consignee subalit iisa lamang ang broker na nagngangalang Noel Taruc Urbano.

Ang ipinasisiyasat na ibinatay sa Intel report ay nasa 500 container vans ang umano’y pasok sa technical smuggling kaya nag-request si Enciso sa MICP Collector para busisiin kung ano ang laman ng mga container van.

Gayunman, sa halip na sundin ang nilalaman ng memo ay ikinagalit pa umano ni MICP-District Collector Rosales na pinunit at ibinasura umano ang nasabing memo.

May natanggap na Intel report ang tanggapan ni Enciso na hindi grocery items ang laman ng mga van kundi agricultural products kasama na ang asukal.

Ang mga container van na ipinasisiyasat sa presensiya ng MICP-CIIS ay ang mga naka-consign sa mga pangalang AP FOOD Products, JLDC Consumer Goods Trading, IRRV Specialized Goods Trading, KRMN Specialized Goods Trading, AP Hardware Materials Wholesaling, JLDCS Consumer Goods Trading, at SRA Aggregated Trading na ang nakadeklarang laman ay grocery items, exercise mat and others, kitchen furniture, steel strip in coil, sokar led lights, porcelain tiles at folding chairs.

Bunsod nito, ang ganitong pagsuway sa itinatakda sa mga regulasyon ng Adwana ay pagsuway umano sa kampanya ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr na pagsugpo sa smuggling sa bansa ayon sa mga operatibang pinamumunuan ni Enciso. BENEDICT ABAYGAR JR.