MEMORY IMPROVEMENT TIPS SA MGA ESTUDYANTE

memory

(Ni CS SALUD)

HINDI lahat ng tao o estudyante ay mabilis kung mag-isip. May ilang parang signal sa internet na laging load-ing. O kung minsan pa nga, nagha-hang.

Nakalulungkot din namang isiping may mga estudyante o taong kapag kinakausap mo ay halos hindi ka maintindihan. Gumugugol pa ng ilang minu-to para lang maintindihan ang sinasabi ng kausap o nagsasalita.

Ngunit may mga pa­raan din naman para mag-improve ang memory ng bawat estudyante o kahit na sino, gaya na lang ng mga sumusunod:

MAGPAHINGA NG TAMA

Mahirap makuha ang tamang pahinga lalo na sa rami ng mga kailangang gawin ng bawat indibiduwal. Gayunpaman, napakahalaga ng tamang pagpapahinga o pagtulog upang maiwasan ang pagiging makakalimutin at maging mahina ang pag-iisip.

Kaya naman para ma-improve ang short-term o long-term ability to remember things, ugaliing magpahinga at matulog ng tama.

KUMAIN NG MASUSUSTANSIYA

Bukod sa pagtulog ng sapat, napakahalaga rin ang pagkahilig sa mga masusustansiyang pagkain. Nakatutulong din upang ma-improve ang brain power sa pamamagitan ng pagkain ng almond, itlog at mga omega-3.

Nangangangailangan ng energy ang brain kaya’t importanteng tama at masusutansiyang pagkain ang isinasama natin sa ating diyeta.

MAGLARO NG BRAIN GAMES

Marami sa atin ang mahilig sa games. Wala rin namang edad ang nahihilig sa iba’t ibang laro sa online.

Isa naman sa mainam laruin ng mga estudyante o kahit na sino upang mag-improve ang memory ay ang brain games gaya ng puzzles, chess at kung ano-ano pang laro na na­ngangailangan ng talas ng isip at bilis ng memorya.

SUMALI SA GROUP DISCUSSION

Natural lang sa ma­rami sa atin ang mahiya at piliing tumahimik na lang kaysa sa sumali sa mga group discussion.

Natatandaan ko nu’ng nasa UP Diliman kami, may ka-batch kaming sobrang tahimik at ayaw magsalita.

Nang tanungin namin siya kung bakit ayaw niyang magsalita, sinagot niya kaming takot siyang magkamali. Ang masaklap, nasa labas kami ng klase.

Pero malaki ang naitutulong ng pagsali sa group discussion upang mahasa at bumilis ang iyong pag-iisip. Bukod pa roon ay nagkakaroon ka ng ti-wala sa iyong sarili.

Oo, nandiyan talaga iyong pangambang baka magkamali tayo ng sasabihin. Gayunpaman, hindi natin kaila­ngang matakot lalo na’t sa pagkakamali, diyan tayo natututo.

MAKINIG NG MUSIKA

Bukod din sa paglalaro, isa pa sa kinahihiligan ng marami ang pakikinig ng musika.

Kung tutuusin nga naman ay napakaraming mabuting naidudulot ng pakikinig ng musika sa bawat isa sa atin.

Mainam sa utak ang pakikinig ng musika dahil nakapagpapakalma ito. Nakapagpapawala rin ito ng stress sa brain.

NGUMITI SA KABILA NG SAMU’T SARING PROBLEMA

Hindi nawawala ang problema sa bawat isa sa atin. Lahat naman tayo ay nakararanas nito.

Ngunit sa kabila ng samu’t saring problemang kinahaharap ng marami, piliin pa rin natin ang ngumiti at tumawa.

Nakapagbibigay ng positibong pakiramdam ang pagngiti. Nakapagpapawala rin ito ng tensiyon. Higit sa lahat ay nakapagpapakalma ito ng isipan. At kapag maayos at kalmado ang ating isipan, tumataas ang abilidad na­ting makaintindi.

MAG-EHERSISYO

Hindi rin siyempre puwedeng kaligtaan ang pag-eehersisyo dahil kasama ito sa mga paraan upang mag-improve ang ating memory. Isa ang yoga sa pinakamainam at madaling paraan upang mag-imporve ang ating memory.

LAGING SUMUBOK NG BAGONG SKILLS

Importante rin sa bawat estudyante ang sumubok ng iba’t ibang kakayahan at kaalaman upang mag-improve ang memory.

Kapag may bago nga naman tayong natututunan, tumataas ang kapasidad at abilidad nating matuto. Nagiging daan din ang pagkatuto ng bagong skills upang maging strong ang ating mind.

Simple lang ang mga paraang nabanggit upang mag-improve ang iyong memory. Kaya naman, subukan na. (photos mula sa othersopinion.com, oreintelligent.com at bloomfit.net)

Comments are closed.