KONTROLADO ng Department of Health (DOH) Davao Center for Health Development ang sitwasyon sa Davao kasunod nang kumpirmasyon na isang 4-anyos na batang lalaki ang namatay dahil sa sakit na meningococcemia noong Biyernes.
Sa isang kalatas, tiniyak din nito na masusi na nilang mino-monitor ang mga taong napalapit sa pasyente upang matiyak na hindi nahawa ang mga ito ng karamdaman.
Ayon sa DOH-Davao, masusi pa silang nakikipag-ugnayan sa mga concerned individual upang matukoy kung saan-saang lugar nagtungo ang biktima bago ito namatay at sino-sino ang mga taong nagkaroon ng closed contact sa kanya.
Ang mga natukoy na napalapit sa pasyente ay napagkalooban na ng prophylaxis, kabilang dito ang kanyang pamilya, mga bata at mga guro sa pre-school kung saan nag-aaral ang biktima, at ang mga emergency room staff na siyang nag-asikaso sa kanya nang isugod sa pagamutan.
Kinausap na rin umano ng isang team mula sa departamento ang paaralan at pinawi ang pangamba ng mga magulang ng mga bata at mga guro nito at tiyaking mayroon silang tamang impormasyon hinggil sa sakit.
Nabatid na 10-araw na imo-monitor ang mga close contact mula sa huling araw na napalapit sila sa biktima, upang matukoy kung makikitaan sila ng mga sintomas ng karamdaman.
Inianunsiyo naman ng DOH na habang isinusulat ang balitang ito ay wala pa naman umanong sinuman sa natukoy na close contact ng pasyente ang nakitaan ng mga senyales ng meningococcemia.
Muli rin namang ipinaalala ng ahensiya sa publiko na ang bacteria na nagdudulot ng meningococcal disease ay hindi madaling mailipat o maisalin sa ibang tao. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.