QUEZON- AGAD na binawian ng buhay ang isang menor de edad matapos na barilin sa ulo ng suspek sa hindi pa matukoy na dahilan Cabuñag Street, Brgy. Poblacion, Candelaria sa lalawigang ito.
Batay sa report ng Quezon Provincial police Office (QPPO) ang biktima na isang menor de edad ay residente ng Brgy. Malabanban Sur sa nasabing bayan.
Base sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya, kasalukuyang namumulot ng metal scrap ang biktima sa Cabuñag Street, Brgy. Poblacion nang biglang dumating ang suspek na kinilala sa alyas “Bert” at bigla na lamang binaril sa ulo ang biktima na siyang naging dahilan ng agarang pagkamatay nito.
Matapos ang pamamaril ng suspek sa biktima ay agad na tumakas ito dala ang baril na ginamit patungo sa direksyon ng Brgy. Masin Sur, Candelaria, Quezon.
Narekober ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ang isang fired cartridge case ng kalibre .45 na baril.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa nasabing pamamaril, kasabay ng ginagawang paghahanap sa naturang suspek.
EVELYN GARCIA