MENOR NANGIKIL SA ESTUDYANTE KALABOSO

blackmail

CAMARINES SUR – SWAK sa selda ang isang menor matapos umanong kikilan ang isang mag-aaral  sa bayan ng Ocampo.

Sinabi ni PSSgt Raymund Paaño ng Ocampo-PNP, dumulog sa kanila ang biktima dahil sa umano’y pananakot at pa­ngingikil ng suspek na nag-aaral sa Naga City.

Napag-alaman na na-hack ng suspek ang Facebook account ng biktima na sinasabing may mga private pictures at videos, na ginagamit umanong panakot ng suspek.

Nagbanta pa umano itong ilalabas ang naturang mga larawan at video kung hindi sa kanya magpapadala ng P5,000 ang biktima.

Kaugnay nito, agad na nagsagawa ng entrapment operation ang awtoridad kung saan huli sa aktong kinukuha ng suspek ang ipinadalang pera ng mga pulis sa isang money transfer sa lungsod.

Dinala na sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspek para sa karampatang disposisyon. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM