MENOS GASTOS PARA SA CHRISTMAS HANDAAN

CHRISTMAS HANDAAN

HINDI na mapigilan ang pagpasok ng ber months. Kay bilis nga naman ng panahon at parang kasisimula lang ng taon ay ayan at sasapit na muli ang kapaskuhan. At kasama sa tradisyon ng mga Pinoy ­siyempre ang ano pa ba kundi ang handaan.

Kaliwa’t kanan na naman ang family gatherings, reunions o mismong noche buena sa kanya-kanyang mga bahay. Panahon na naman ng pag-iipon para sa mga gastusin para sa darating na Disyembre.

Tuwing sasapit din ang Pasko ay naglalaan tayo ng budget para sa pambili ng regalo para sa mga mahal natin sa buhay o kahit maging mga kaibigan, mga gagamiting pampalamuti sa bahay, extrang bayad sa koryente dahil sa Christmas lights at iba pang dekorasyon o pampailaw  na gagamiting magbibigay liwanag sa loob at labas ng bahay.

Kaya naman maraming mga punong abala sa mga handaan ang nag-iisip ng iba’t ibang paraan para makatipid sa gastusin sa mga handa pero nananatiling masaya at katangi-tangi ang selebrasyon.

Sa mga ngayon pa lang ay nag-iisip na ng plano para sa kanilang Christmas handaan, narito ang ilan sa mga puwedeng gawin para menos sa gastos pero level up sa kasiyahang noche buena.

MAGPLANO NG POTLUCK SA MGA DADALONG KAMAG-ANAK

Pag-usapan ang mga gustong kainin sa handaan at magtoka-toka sa pagdadala. Sa pamamagitan nito, hindi lang budget ang matitipid, pati na ang oras sa paghahanda. Tipid na, mas marami pang choices ng pagkain ang mapagsasalo-saluhan.

COOK YOUR OWN PANALO RECIPE

Tuwing ganitong handaan puwedeng ilabas ang natatagong panalo recipe. Kaysa umorder ng pagkain sa labas, mas mainam na ikaw na lamang ang magluto ng inyong handa. Mas magugustuhan pa ng inyong pamilya dahil ikaw ang may luto at minsan lang nila matikman ito. Makatitipid din dito dahil kadalasan, bukod sa mas mahal ang umorder sa mga fastfood o restaurant, mas kaunti ang serving ng idi-deliver na pagkain. Pasko naman, time to shine in your kusina!

MARAMIHANG LUTO NG KANIN

Minsan, sa rami ng iniisip na pagkain ay nakalilimutan ang kanin kahit na ang karamihan sa handa natin ay ulam.

Hindi dapat mawala sa hapag ang kanin kung kaya naman para makatipid sa oras at koryente kung minsan, mas mainam na mag-isahan o maramihang luto na lamang ng kanin.

Lalo na kung marami ang bisita, hindi dapat mangamba kung mauubos ba o hindi. Mas mabuti ring ilang araw bago ang handaan ay nag-iipon na ng bigas na isasaing. Siyempre Pinoy, papayag bang walang kanin?

MAGING AWARE SA PAGBABAGO NG MGA PRESYO

Bago mamili ay siguraduhing alam ang estimated na presyo ng inyong mga bibilhin. May mga pagkakataong taas-baba ang pres­yo ng mga produktong pang noche buena kaya dapat ay alam natin kung anong sakto sa budget. Mainam ding mamili na hang-ga’t maaga ng mga produktong hindi naman nasisira agad bago pa ito magmahal.

GUMAWA NG LISTAHAN NG MGA BIBILHIN

At dahil nga maraming bibilhin, mas mabuting may grocery list para walang makalimutan. Hindi lang iyan ang tulong nito, maba-budget mo rin ang iyong pera. Dapat ding sundin kung ano ang budget na nasa listahan para maiwasan ang hindi inaasahang gastos.

Sanay na tayo sa mga handaan at talaga namang atin itong pinaghahandaan at pinagkakagastusan. Ngunit mas magandang gumawa pa rin ng paraan para makatipid nang sa ganu’n ay hindi maubos ang pera pagkatapos ng handaan.

Hindi naman kailangang magastos kapag sinabing bongga ang noche buena. Puwedeng maging bongga ito dahil bongga sa kasiyahan, bongga sa mga pagsasaluhan at bongga ang tipid! LYKA NAVARROSA

Comments are closed.