MISMONG si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang nanguna sa pagsisimula ng Season of Creation nitong Linggo ng umaga.
Nabatid na ang naturang pagdiriwang ay sinimulan sa pamamagitan ng pagdaraos ng ‘Walk for Creation’ kahapon ng madaling araw, Setyembre 1, sa Liwasang Aurora Quezon Memorial Circle, sa Quezon City.
Kasama ng Cardinal na nagdaos ng isang banal na misa para sa okasyon sina Cubao Bishop Honesto Ongtioco at Kalookan Bishop Pablo Virgiliio David.
Sa pagninilay ni Cardinal Tagle, binigyang diin nito ang kahalagahan ng kababaang loob at ang kagandahan ng pagsasalo-salo sa hapag.
Ayon kay Tagle, isa sa pangunahing dahilan ng pagkasira ng kalikasan ay ang kayabangan ng tao.
Aniya, nawawala ang pagiging mapag-aruga ng tao sa kalikasan dahil sa pagnanais nito na maging mataas tulad ng Panginoon.
Sa ganitong dahilan umiiral ang kayabangan at pagiging gahaman ng tao na nais angkinin ang lahat sa mundo, sa halip na maging tagapag-alaga ng nilikha ng Panginoon.
“A steward is always humble, we are not the presumptive owners, we are stewards, the creator is the rightful owner. The creator wants creation to be a big, big web of gift, mutual giving for God is love. God does not need creation, but it is not a need, it is love. That is creation, that is the rule of the universe. Hindi maisusulong ang creation ng mga taong ilusyonado, ilusyonada na sila ang nagmamay-ari. Hindi po, tagapag-alaga tayo,” bahagi ng homiliya ni Tagle.
Dagdag pa ng Cardinal, nakababahala ang pag-iral ng ganitong ugali ng tao na maging ang kanyang kapwa ay tinitignan bilang gamit na maaaring ibenta at pagkakitaan.
Ipinaalala pa niya na ang tunay na pagiging steward o tagapangalaga ng Panginoon ay pagpapakita ng kapakumbabaan na naglilingkod sa Diyos at sa lahat ng Kaniyang nilalang.
Samantala, binigyang-diin din ni Tagle ang kagandahan ng pagsasalo-salo sa biyaya ng Panginoon.
Tinukoy nito ang kahulugan ng “meals” na hindi lamang ang pagkain ng isang tao, kundi ang pagsasalo-salo at hindi ang pagiging makasarili sa biyaya ng kalikasan.
Ipinaalala pa niya na ang pagbabahaginan sa pagkaing nagmula sa Panginoon ay ang tunay na nagpapakita ng kahulugan ng tema ng Season of Creation ngayon na Web of Life.
Batay sa pagtaya ng Simbahang Katolika, aabot sa 4,000 mananampalataya ang nakiisa sa ikatlong taon ng pagsasagawa ng Walk for Creation, bilang tanda ng pagbubukas ng Season of Creation tuwing unang araw ng Setyembre hanggang ikaapat ng Oktubre.
Ang Setyembre 1 ay una nang idineklara ni Pope Francis bilang World Day of Prayer for Care of Creation. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.