MENSAHE PARA SA MGA PINUNO AT SA SAMBAYANANG PILIPINO NGAYONG NINOY AQUINO DAY

ANG  araw na ito ay ang ika-40 anibersaryo ng pagka-martir ni Sen. Benigno S. “Ninoy” Aquino, Jr.

Magkakaroon ng banal na misa ngayong araw na ito sa Sto. Domingo Church sa Quezon City sa ganap na alas-10:00 n.u. Ito ay hatid ng Ninoy and Cory Aquino Foundation at ipagdiriwang naman ni Archbishop Socrates Villegas.

Sa pagharap natin bilang bansa sa mga pagsubok sa kasalukuyan, maaari tayong tumingin sa buhay ni Ninoy upang pag-aralan ang mga itinuro at ipinakita niya noong siya ay nabubuhay. Maaaring magsilbing gabay ang mga ito sa atin sapagkat hindi maikakailang patuloy na hinuhubog ng impluwensiya ni Ninoy ang kasalukuyan ng bansa at ng mga Pilipino. Ang kanyang tapang ay nagsisilbing halimbawa para sa atin sa ating patuloy na pagtatanggol sa ating demokrasya at mga karapatan.

Para sa ating mga pinuno, mayaman sa halimbawa ang buhay ni Ninoy na mapaghuhugutan ng inspirasyon pagdating sa mabuting pamumuno, pagiging responsable, at pagpapahalaga sa kapakanan ng publiko. Ang kanyang ipinakitang malasakit sa mga Pilipino ay isang paalala para sa mga namumuno ngayon na bawat desisyon ay dapat na gawin para sa kapakanan ng mas nakararami at hindi para sa iilan lamang.

Para naman sa ating mga Pinoy, sana ay makakuha rin tayo ng inspirasyon mula sa buhay ni Ninoy.

Malinaw naman ang mga aral—kailangan nating magkaisa sa pagpapakita ng ating pagtutol laban sa korapsyon, pag-abuso sa kapangyarihan, mga krimen laban sa sambayanan, paglabag sa karapatang pantao, extrajudicial killings at iba pa. Ito ay ating responsibilidad—ang panagutin ang ating mga lider at ang maging aktibo sa pagtatanggol sa ating sariling karapatan at pagsulong ng ating sariling kapakanan. Ipinakita rin sa atin ni Ninoy noon na walang ibang gagawa ng mga ito kundi tayo rin.
(Itutuloy…)