MENSAHE SA MGA DEBOTO: MAGPASALAMAT KAY NAZARENO

nazareno

PINAALALAHANAN  ng isang opisyal ng Quiapo Church ang mga deboto na samantalahin ang Traslacion 2019 upang maka-pagpasalamat sila sa Poong Itim na Nazareno para sa lahat ng mga biya­yang natatanggap nila.

Sa kanyang mensahe para sa mga deboto na lalahok sa Traslacion ngayong araw, na may temang “Nuestro Padre Hesus Nazareno: Hi­nirang at Pinili upang maging lingkod niya,” sinabi ni Monsignor Hernando Coronel, rector ng Minor Basilica of the Black Nazarene, na ipi­nagdarasal din niya na ang bawat deboto ay maging daluyan ng biyaya ng Diyos tulad din ng biyayang natanggap mula sa pagdedebosyon sa imahe ng Nazareno.

“Ito po ang tema natin ang atensiyon nga­yon ay sa mga deboto, upang tayo…pinaboran tayo, sinagot ang ating kahilingan tayo naman ay tumanaw ng utang na loob. Tayo’y hinirang at pinili at nga­yon tayo naman ay tumanaw na utang ng loob. Maging malapit tayong lingkod, alipin, instrumento, behikulo ng napakabait na Panginoon,” ani Coronel, sa panayam sa church-run Radio Veritas.

Kaugnay nito, pinaalalahanan din ni Coronel ang mga deboto na maging maingat sa paglahok sa Traslacion at kung maaari ay huwag magdadala ng mga alahas at iba pang mahahalagang gamit, na ­maaaring pag-interesan ng mga kawatan.

“Paalala natin taon-taon, bawal ang buntis, bawal ang nagdadala ng sanggol, bawal ang mga lasenggo.  Lalong-lalo na ‘yung may pre-existing health condition, lalo na ‘yung sa puso ay dini-discourage ‘yan. Pati ang mga vendor na nagbebenta ng may barbeque sticks tulad ng fish balls, squid balls, BBQ, hotdogs ay nakakapinsala po ito,” ayon pa kay Coronel.

Si Coronel ang nanguna sa banal na misa para sa Traslacion 2019,  na ida­raos ganap na 12:00 ng hatinggabi sa Quirino Grandstand, at si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle naman naging homilist. ANA ROSARIO

HERNANDEZ

Comments are closed.