HINIMOK ng isang arsobispo ng Simbahang Katolika ang mga mananampalataya na huwag magpadala sa takot at bagkus ay higit pang palakasin ang kanilang pananampalataya sa Panginoon.
Ang panawagan ay ginawa ni Cebu Archbishop Jose Palma nang pangunahan ang unang Misa de Gallo na ginanap sa Archdiocesan Shrine of Immaculate Heart of Mary sa Minglanilla, Cebu kahapon.
Ayon kay Palma, higit na makatutulong ang pagkapit sa Diyos sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng lipunan sa kasalukuyang panahon, partikular na dito ang pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Do not fear, only have faith; huwag matakot sapagkat may pananampalataya tayo sa Diyos na malalampasan natin ito,” pagninilay ni Palma.
Matatandaang isa ang Cebu City sa naging hotspot ng COVID-19 pandemic dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso sa lugar, kaya’t nagkaisa ang lahat ng sektor sa lugar upang mabawasan at mapigilan ang pagtaas ng mga nagpositibo sa virus, at malaunan ay napagtagumpayan nila ito.
Samantala, ikinatuwa rin naman ng arsobispo na pinayagan ng pamahalaan ang simbahan na makapagdiwang ng Simbang Gabi o Misa de Gallo, ang siyam na araw na paghahanda sa Pasko ng Pagsilang ng Manunubos.
Sinabi ni Palma na maituturing itong isang pribilehiyo sapagkat nanatili pa rin ang banta ng virus sa lipunan hanggang sa kasalukuyan.
Tiniyak niya na mahigpit na ipatutupad sa mga simbahan ng arkidiyosesis ang mga safety health protocol na iminungkahi ng Inter Agency Tasks Force (IATF) kabilang na ang pagsusuot ng face mask at face shield, paghuhugas ng kamay, pag-check ng temperatura at paggamit ng alcohol.
Sa kabilang dako, ipinagdarasal naman ni Msgr. Hernando Coronel-rector ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa Poong Hesus Naza-reno ang isang manigong bagong taon sa mga mananampalataya. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.