MENTAL HEALTH ACT PLANONG AMIYENDAHAN

Senator Sonny Angara-4

PANUKALANG pag-amiyenda sa Republic Act 11036 o ang Mental Health Act ang isinusulong ni Senador Sonny Angara upang agad  na mabigyan ng mga kaukulang benepisyo at tulong pinansiyal na naaayon sa batas ang mga Filipino na may karamdaman sa isip.

Ayon sa senador, sa panahong tulad ng kasalukuyang pandemya, isa sa mga kritikal na usapin ang mental health, dahil karamihan sa publiko ay hindi na nabibigyang-pansin ng healthcare system dulot ng patuloy na pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Halimbawa sa mga ito ang dating sundalo na si Corporal Winston Ragos na nabaril at napatay ng isang pulis nitong nakalipas na Abril matapos makipagtalo kaugnay sa ipinatutupad na quarantine rules sa lungsod ng Quezon.

Nabatid na taong 2012 pa nang simulang gamutin sa kanyang mental illness si Ragos, na ayon sa kanyang mga kaanak ay nasa mabuti namang pag-iisip kung nakaiinom ng gamot. Subalit dahil anila sa ipinatutupad na lockdown, hindi na nagawang makapagpakonsulta ni Ragos sa mga doktor at hindi na rin maayos na nakabibili ng kanyang mga medisina.

Sa ilalim ng Mental Health Act, inaatasan ang PhilHealth na magbigay ng insurance packages sa mga pasyenteng may kapansanan sa pag-iisip at tiyaking nakabibili ang mga ito ng kanilang mga kinakailangang gamot.

“Kahit meron tayong Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), VMMC at ang umiiral na Mental Health Act, ang nangyari kay Ragos ay isang patunay lamang na kailangang rebisahin o baguhin ang ating mental health services,” ani Angara.

Nitong Lunes, isinulong ni Angara ang Senate Bill 1471 bilang pag-amenda sa Sec. 5 ng RA 11036 at ibilang dito ang “Rights of Service Users.”

Sa pamamagitan nito, mabibigyan na ng karapatan ang service user na makatanggap ng agarang compensation benefits o anumang tulong pinansyal na karapatan nitong makuha sa ilalim ng naturang batas.

Kaugnay nito, umaasa si Angara na sa lalong madaling panahon ay matuklasan na ang bakuna kontra COVID-19 at mag-ing maluwag na ang mga ipinatutupad na batas na may kaugnayan sa ipinatutupad na lockdown.  VICKY CERVALES

Comments are closed.