MENTAL HEALTH NG KABATAAN PANGALAGAAN

Bilang paggunita sa World Mental Health Day, hinimok ni Senador Imee R. Marcos ang mga eksperto  na tugunan ang lumalalang krisis sa mental health sa bansa.

Sa ginanap na “Pandesal Forum” sa 85-anyos na Kamuning Bake­ry Cafe ay iminungkahi ni Marcos ang ilang mga hakbang upang matugunan ang mga kritikal na isyung ito, kabilang ang paghingi ng tulong sa mga overseas Filipinos at mental health professionals na handang ibahagi ang kanilang kadalubhasaan.

Inirerekomenda rin ni  Marcos na bigyan ang mga psychiatric nurse ng awtoridad na pa­ngalagaan ang mga pas­yenteng may kondisyon sa kalusugan ng isip at magsagawa ng mga workshop para sa Sangguniang Kabataan at iba pang grupo ng kabataan upang isulong ang peer-to-peer counseling.

Iminungkahi niya na ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) ay magbigay ng subsidyo sa mga gurong interesado sa guidance counseling upang madagdagan ang bilang ng mga kwalipikadong propesyonal sa larangang ito.

Ibinahagi ng senadora ang isang kalunos-lunos na karanasan na binibigyang-diin ang mabilis na pagtugon sa kalusugan ng isip.

“Sa panahon ko bilang gobernador, mahigit isang dosenang mga teenage na nagpapakamatay ang naiulat sa loob ng anim na buwan. Dapat nating kilalanin ang kalusugan ng isip bilang isang kritikal na aspeto ng kagalingan at tugunan ito nang may kaseryosohan na nararapat, na lumampas sa stigma,” anito.

Ayon sa datos ng Philippine Psychiatric Association, mayroon lamang 651 psychiatrist, 516 psychiatric nurses, at 133 psychologists na naglilingkod sa buong bansa. Inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) ang 10 psychiatrist sa bawat 100,000 katao, ngunit ang Pilipinas ay mayroon lamang dalawa sa bawat 100,000 na Pilipino.