MENTAL ILLNESS CONFERENCE PINANGUNAHAN NI TAGLE

Luis Antonio Cardinal Tagle

PINANGUNAHAN ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagdaraos ng conference on mental illness na idinaos sa San Carlos Seminary, sa Makati City kahapon.

Ang Conference on Mental Health ay may temang “Ang Tahanang Gumuho sa Karimlan: Ang Pag-ukit ng Panibagong Tahanang Pinapangarap.”

Layunin nito, mapalakas ang pagtugon ng Simbahang Katolika sa suliranin ng mental health lalo na sa mga kabataan at maka-pagbalangkas ng mga wastong programang kakalinga sa mga mananam­palatayang nakararanas ng mental illness lalo na ang mga naulilang biktima ng war against drugs ng pamahalaan.

Ayon kay Tagle, mahalagang alamin ng isang indibidwal ang pinagdadaanan ng kapwa upang matulungang lutasin ang mga suliraning kinakaharap.

Aniya, dapat maunawaan ng bawat isa ang iba’t ibang karanasan ng suliraning pangkaisipan tulad ng depresyon.

“Going to the experience of the one who suffers mental illness for us to understand,” diin ni Tagle sa kanyang talumpati sa pag-bubukas ng naturang komperensiya.

Iginiit pa ng Cardinal, ang kahalagahan na mahubog ang ispirituwal na pamumuhay ng isang tao upang mapalapit sa Panginoon at mapalawak ang pag-iisip at pang-unawa ng tao sa bawat sitwasyon ng buhay.

Labis na ikinababahala ng Simbahan sa Fi­lipinas ang tumataas na kaso ng pagpapakamatay dahil sa mental illness na batay sa ulat ng Department of Health (DOH), isa sa bawat limang Filipino ang nakararanas nito at nangunguna sa mga sanhi ng depresyon, schizophrenia at labis na pagkabalisa.

Dahil dito, hinamon ng Cardinal ang mga dumalo sa komperensiya kung paano makatutugon ang Kristiyanong komunidad sa usapin ng mental illness at kung gaano kalawak ang pagkaunawa ng mga mananampalataya.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.