HANDANG RUMESPONDE 24/7. Handang rumesponde ang mga crew ng Meralco buong Undas sa anumang posibleng alalahanin sa serbisyo ng kuryente. Makikita sa larawan ang mga crew ng Meralco na nagpapatibay ng mga pasilidad ng kumpanya.
MAYNILA, PILIPINAS, 30 Oktubre 2024—Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga customer nito na mananatiling naka-alerto ang kumpanya sa Undas, at handang rumesponde 24/7 ang mga crew nito sa anumang posibleng alalahanin sa serbisyo ng kuryente.
Matapos ang pananalasa ng bagyong Kristine, patuloy na nakabantay naman ang Meralco sa lagay ng panahon dahil sa bagyong Leon.
“Kaisa kami ng bayan sa paggunita ng Undas. Bagama’t sarado ang mga Meralco Business Center mula Nobyembre 1 hanggang 2, tinitiyak namin sa aming mga customer na nakaantabay ang aming mga crew 24/7 para rumesponde sa anumang posibleng alalahanin sa serbisyo ng kuryente,” ani Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.
Kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo, pinaalalahanan ng Meralco ang publiko na ugaliin ang sumusunod para sa ligtas na paggamit ng kuryente ngayong Undas:
- Patayin ang mga appliance na hindi ginagamit lalo na kung iiwanan ang bahay na walang tao ng ilang araw
- Iwasan ang paggamit ng “octopus connection” o ang pagdugtung-dugtong nga mga extension cord sa isang saksakan dahil maaari itong magdulot ng sunog at iba pang aksidente
- Tiyaking tuyo ang mga saksakan, at iba pang gamit na de-kuryente
- Iwasan ilagay ang mga kable ng kuryente sa ilalim ng mga basahan o carpet dahil maaring masira ang mga ito kapag laging natatapakan
- Ilayo ang mga gamit na takaw-apoy mula sa mga gamit de-kuryente na pinagmumulan ng init
Para sa iba pang mga tip tungkol sa ligtas na paggamit ng kuryente, maaaring bisitahin ang
Meralco website sa www.meralco.com.ph. Para naman sa mga alalahanin sa serbisyo ng kuryente, maaaring i-report ito sa Meralco sa pamamagitan ng mga opisyal na social media account nito sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X na kilala dati bilang Twitter (@meralco). Maaari rin sumangguni sa pamamagitan ng pag-text sa 0920-9716211 o 0917-5516211 o pagtawag sa Meralco Hotline 16211 at 8631-1111.