MERALCO, KAISA NG PAMAHALAAN SA PAGSUSULONG NG PAMPUBLIKONG KALIGTASAN

MAHALAGA ang papel na ginagampanan ng pamahalaan at ng pribadong sektor sa pagpapaigting ng mga programang naglalayong masiguro ang kaligtasan ng publiko. Ang pagkakaisa at pagtutulungan para magkaroon ng emergency response plan na susi para agad na matugunan at maaksyunan ang anumang aksidente o emergency.

 

Bilang pinakamalaki at nangungunang distribyutor ng kuryente sa bansa, batid ng Manila Electric Company (Meralco) ang responsibilidad na gawing prayoridad ang kaligtasan sa bawat aspeto ng operasyon nito. Kung kaya’t aktibo ang pagsusulong ng kumpanya ng mga programa at inisyatiba na makakatulong para mas mapaigting pa ang kapasidad nito sa emergency response habang isinasaalang-alang ang kapakanan, hindi lamang ng mga empleyado at mga kostumer, kundi pati na rin ng komunidad na kinabibilangan nito.

 

“Meralco’s primary mission is to provide safe, reliable, affordable, and efficient electricity service to all customers within our franchise area.  As part of our mandate, safety and protection are very important functions as well,” pahayag ni Meralco President at CEO Atty. Ray C. Espinosa.

 

KASUNDUAN SA PAGITAN NG MERALCO AT BFP

Para mas maisulong pa ang pampublikong kaligtasan, nagsanib-pwersa ang Meralco at Bureau of Fire Protection (BFP) para mas paigtingin ang emergency response sa lugar na nasasakupan ng operasyon ng BFP-National Capital Region (NCR).

 

Sa ilalim ng kakapirma lamang na Memorandum of Agreement (MOA), bubuo ang Meralco at BFP ng fire brigade team na itatalaga sa loob ng Meralco Operating Center sa lungsod ng Pasig.

 

Kabilang sa mga magiging papel ng Meralco Fire Brigade ang agarang pag-responde sa mga insidente ng sunog hindi lamang sa kalapit na komunidad, kundi sa mga lugar na sakop ng prangkisa ng Meralco.

 

Magiging malaking tulong para sa BFP ang magiging kapabilidad ng bubuuing grupo. Lingid sa kaalaman ng karamihan, gamit ang “wang-wang” na nakakabit sa mga trak nito, kinakailangang makarating ang mga bumbero sa lugar ng insidente sa loob lamang ng lima hanggang pitong minuto dahil ito ang itinakdang ideal res­ponse time ng institusyon.

Ang responsibilidad ng grupo ay hindi natatapos sa mabilis na pagdating sa lugar ng insidente. Ang kaalaman at kakayahang pumatay ng sunog, epektibong pagsasagawa ng search and rescue, at health emergency response ay ilan lamang sa mga kapabilidad na kinakailangang mayroon ang isang mahusay na emergency response team.

 

Gagawa rin ang Meralco ng sarili nitong Rescue Team na kabibilangan ng mga empleyado mula sa Safety Office, Facilities, at Security Office nito. Bukas din ang pagkakataong ito para sa mga employee volunteer na nagnanais maging bahagi ng Meralco Rescue Team.

 

Matapos ang proseso ng pagbuo ng grupo, sasailalim ang mga miyembro nito sa serye ng pagsasanay na pangangasiwaan ng mga piling opisyal at tauhan ng BFP na may sapat na kakayahang magturo ng mga kinakailangang kapabilidad at kakayahan upang magampanan ng Meralco Rescue Team ang mga responsibilidad nito.

 

Ipinahayag ni BFP-NCR Regional Director Chief Supe­rintendent Gilbert D. Dolot ang taos pusong pagpapahalaga ng BFP sa dedikasyon ng Meralco at sa pakikiisa nito sa pagsulong ng pampublikong kaligtasan. Aniya: “We are partners who will never cease to explore opportunities and avenues for the improvement of public safety, and we are very happy to see that Meralco is doing its part not only by delivering its corporate goals. It went beyond by venturing in public safety as part of its social responsibility.”

FIRE STATION SA LOOB NG MERALCO

Bilang pagpapakita ng matinding dedikasyon at pagpapahalaga sa papel na gagampanan nito sa pagpapaigting ng emergency response sa komunidad, magtatayo ang Meralco ng fire station sa loob ng compound nito. Sa pama­magitan ng istasyon, mas mabibigyan ng suporta ang 24/7 na operasyon ng brigada.

 

“It is in this light that we have developed a plan to establish a fully operational and complementary fire station here in Meralco to serve not just the needs of Meralco but also the needs of our nearby communities, particularly Pasig and Mandaluyong. And with the help of the BFP, we plan to operationalize this fire station and develop our own fire and rescue unit. We thank the BFP for making this a reality for us, and hopefully we can be part of your private sector support and join your runs in addressing fire incidents in Metro Manila,” pahayag ni Atty. Espinosa.

 

Batay sa inilatag na plano, nakatakdang magsimula ng operasyon ang Meralco Fire Station sa taong 2023. Magsisilbi ito bilang fire emergency response center at linya ng komunikasyon sa pagitan ng Meralco at ng BFP. Dito rin isasagawa ang pagsasanay ng mga bumbero at ng mga miyembro ng rescue team.

 

Sa istasyon na ito rin ilalagak ang lahat ng espesyal na kagamitang kakailanganin ng fire brigade team gaya ng mga fire truck, mga water tanker, mga rescue tender at mga rescue boat.

MATIBAY NA PAGTUTULUNGAN NG MERALCO AT BFP

Ang MOA sa pagitan ng BFP at Meralco ay magsisilbing lubid na magbibigkis at lalong magpapatibay sa pagtutulungang dati nang ginagawa ng dalawang organisasyon. Bago pa man ang pirmahan ay magkatuwang na ang Meralco at BFP sa pagsusulong ng fire safety at prevention.

 

Kaisa ng BFP ang Meralco sa mga aktibidad nito tuwing selebrasyon ng Fire Prevention Month. Noong nakaraang Marso, nakibahagi ang Meralco sa ginawang motorcade ng BFP sa Pasig bilang opisyal na pagsisimula ng naturang selebrasyon.

 

Nakiisa rin ang Meralco sa programang Mobile Business One Stop Shop Plus (MBOSS+) ng BFP, isang programang ini­lunsad ng institusyon noong Oktubre 2020 para mas mapadali para sa mga negosyo ang pag-proseso ng mga kinakaila­ngan nitong permit sa kabila ng pandemya. Nagtayo ng booth ang Meralco bilang ba­hagi ng MBOSS+ sa iba’t ibang SM Malls sa lugar na sakop ng prangkisa ng kumpanya. Sa pamamagitan ng nasabing booth, namahagi ng impormasyon ang mga kinatawan ng Meralco ukol sa electrical safety.

 

Lumilibot at bumibisita rin ang BFP sa iba’t ibang opisina ng Meralco upang ipaliwanag ang kahalagahan ng pagkakaroon ng fire extinguisher at upang ituro sa mga empleyado ang tamang paggamit nito.

 

Nakikiisa rin ang Meralco sa isinasagawang Annual Fire Drill at Evacuation Exercise ng BFP bilang patuloy na suporta sa mga inisyatiba nito ukol sa fire safety and emergency preparedness. Bukod sa taunang fire drill, nakibahagi rin ang kumpanya sa isinagawang Fire Square Roadshow ng BFP, isang inisyatibang naglalayong turuan ang mga kabataan sa komunidad ukol sa fire safety. Ipinaliwanag naman ng mga kinatawan ng Meralco ang kahalagahan ng electrical safety sa mga ito.

 

Ang pagiging magkatuwang ng Meralco at BFP sa pagsusulong ng mas pina­igting na emergency response at pamamahagi ng impormasyon ukol sa safety awareness ay malaking tulong hindi lamang sa dalawang institu­syon kundi sa buong komunidad. Maituturing din itong halimbawa kung paano nagiging kapaki-pakinabang para sa mga mamamayan ang pagtutulungan sa pagitan ng pribadong sektor at pamahalaan.