MERALCO AT DILG SANIB PWERSA SA KAMPANYA LABAN SA ILEGAL NA DROGA

NAKIISA  ang Manila Electric Company (Meralco) sa Department of the Interior and Local Government (DILG) sa kampanya nito kontra sa ilegal na droga na ipatutupad sa buong bansa.

Noong ika-25 ng Mayo, pumirma ang Meralco ng memorandum of undertaking (MOU) bilang pagsuporta at pakikiisa ng kumpanya sa programang “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” (BIDA).

Sa ilalim ng naturang MOU, patuloy na ipapatupad ng Meralco ang drug-free na work environment sa pamamagitan ng regular na pagsasagawa ng random drug testing sa mga empleyado nito. Magsasagawa ang kumpanya ng mga oryentasyon at mga seminar para sa mga empleyado ukol sa mga narkotiko at sa pisikal, social, at sikolohikal na epekto nito. Tutulong din ang Meralco sa pamahalaan sa pagsusulong ng kampanyang BIDA upang paigtingin ang kamalayan ukol sa mga nakapipinsalang epekto ng mga ilegal na droga.

Bilang pangunahing inisyatiba ng DILG kaugnay ng adbokasiya ng ahensyang labanan ang ilegal na droga, tatakbo ang naturang programa sa loob ng anim na taon. Layunin ng programang lumikha at magpatupad ng istratehiyang sasaklaw sa pamahalaan at sa buong bansa ukol sa paglaban kontra sa paglaganap ng narkotiko sa Pilipinas.

Sa kanyang talumpati, kinilala ni DILG Secretary Atty. Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. ang kahalagahan ng pakikiisa ng mga miyembro ng pribadong sektor sa naturang programa.

“Invaluable partners ang turing namin sa aming mga stakeholder at kami ay nangangakong pananatilihing ligtas, maayos, at kaaya-aya ang work environment sa Meralco para sa mga empleyado. Sa katunayan, mayroon kaming mga pinaiiral na patakaran at programang sumisiguro na drug-free ang kumpanya,” pahayag ni Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.

“Bukod sa aming pakikipagtulungan sa DILG at sa aming pakikiisa sa BIDA program, lalo rin naming paiigtingin ang aming suporta sa pamahalaan sa kampanya nitong isulong ang human at social development at na patuloy imulat ang sambayanan sa epekto ng ilegal na droga,” dagdag ni Zaldarriaga.

Kasamang nakiisa ng Meralco sa BIDA program ang iba pang kumpanyang pinamumunuan ng negosyanteng si Manuel V. Pangilinan katulad ng PLDT-Smart, Maynilad, at Metro Pacific Tollways.

“Makakaasa ang DILG na patuloy kaming makikipagtulungan upang tuluyan nang masugpo ang suliranin ng lipunan sa ilegal na droga. Handa kaming tumulong sa abot ng aming makakaya bilang suporta sa BIDA campaign,” ani Zaldarriaga.