MERALCO AT DOE MAGKATULONG SA PAGSUSULONG NG MASINOP NA PAGGAMIT NG KURYENTE

Kaisa ng Meralco ang Department of Energy sa pagsusulong ng energy efficiency hindi lang ngayong tag-init kundi bilang bahagi ng araw-araw na pamumuhay.

 

DAMANG-DAMA ang malalang pagtaas ng temperatura ngayong ­panahon ng tag-init. Bagamat napapadalas ang pag-ulan, pumapalo pa rin sa 30 hanggang mahigit 40 degrees Celsius ang naitatalang heat index sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa katunayan, umabot sa 48 degrees Celsius ang heat index sa Casiguran sa probinsya ng Aurora kamakailan.

Kaugnay nito, patuloy ang Manila Electric Company (Meralco) at ang Department of Energy (DOE) sa paghikayat sa mga konsyumer na ugaliing maging masinop sa paggamit ng kuryente lalo na ngayong tag-init kung kailan karaniwang tumataas ang konsumo.

Maituturing na isang natural na tugon sa init ng panahon ang mas matagal na paggamit ng mga cooling appliance gaya ng aircon at bentilador. Maraming mga konsyumer ang nagnanais magtipid sa pagkonsumo ng kuryente subalit sadyang mahirap ito gawin kapag matindi na ang init ng panahon.

Makatutulong ang regular na paglilinis ng aircon filter para mas mabilis na maabot ang nais na temperatura sa kwarto o bahay.

Bilang tugon, nagsagawa kamakailan ng isang webinar ang Meralco sa tulong ng DOE upang mas paigtingin ang pagsusulong sa kampanya ukol sa masinop na paggamit ng kuryente o energy efficiency. Malaking tulong ang naturang webinar dahil maraming impormasyong makatutulong sa mga konsyumer ang napag-usapan dito.

Binigyang diin ni DOE Energy Utilization Management Bureau Director Patrick T. Aquino sa naturang webinar na ang epektibong pangangasiwa sa konsumo ng kuryente ay nakadepende sa paggamit ng mga kon­syumer.

Dagdag pa niya, ang masinop na paggamit ng kuryente ay ang “best energy-saving device” ng mga konsyumer.

Mahalagang pumili ng tamang laki ng bentilador upang mas episyente ang pag-ikot ng hangin.

“Ang energy efficiency ay ang ating unang depensa. Kapag maayos natin napapangasiwaan ang ating paggamit ng kuryente, napapa­liit natin ang mga kailangan natin para sa generation,” ani Aquino.

Hindi talaga dapat ipag­balewala ang kahalagahan ng pagiging masinop sa paggamit ng kuryente. Li­ngid sa kaalaman ng publiko, maaari pa ring tumaas ang konsumo ng isang konsyumer kahit na walang idagdag na appliance sa bahay. Mayroon ding mga nag-aakalang dahil walang pinagbago ang paraan ng paggamit ng mga appliance, hindi rin dapat magbago ang konsumo.

Batay sa datos ng Me­ralco, karaniwang tumataas ng 10% hanggang 40% ang konsumo sa kuryente ng mga konsyumer hindi lamang dahil sa mas mahabang oras ng paggamit ng mga appliance na nagpapalamig gaya ng aircon kundi dahil din sa mataas na temperatura sa labas na nakakaapekto sa mga ito.

Ito’y dahil mas mara­ming enerhiya ang nagagamit ng mga aircon dahil doble ka­yod ang compressor para mapalamig ang isang kwarto o partikular na lugar sa bahay. Sa madaling salita, magkaiba ang konsumong inirerehistro nito kapag ginamit ng walong oras sa panahon ng tag-lamig kumpara sa walong oras na paggamit dito sa panahon ng tag-init kaya’t napakahalaga ng pagiging masinop sa paggamit ng kuryente.

Bukod sa maititipid ng mga konsyumer kapag na­ging masinop sa paggamit ng kuryente, nakatutulong din ang demand-side management sa pagsisiguro na mayroong sapat at tuluy-tuloy na supply nito.

Ang Meralco, sa pamamagitan ng business unit nitong MServ, ay nag-aalok ng mga energy audit service at solution tulad ng data visualization. Kabilang din sa mga serbisyo nito ang paggawa ng komprehen­sibong energy efficiency report na talaga namang malaking tulong sa mga negosyo na ugaliin ang pagiging masinop sa paggamit ng kuryente sa kanilang araw-araw na operasyon.

Makabubuting pumili ng washing machine na gumagamit ng inverter technology upang maging mas masinop sa paggamit ng kuryente.

“Maaari kaming magbigay suporta sa aming mga customer sa iba’t-ibang paraan. Maaari silang lumapit sa amin para matulungan namin sila sa kanilang ener­gy efficiency journey,” ani MServ Vice President for Commercial Services Group Cecile Marvilla sa kaparehong webinar na isinagawa bilang suporta sa Republic Act No. 11285 o ang Energy Efficiency and Conservation Act.

Nag-isyu kamakailan ng El Niño alert ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Nagbabala rin ito na nasa 80% ang posibilidad na magsimula ang naturang gawi ng klima sa pagitan ng mga buwan ng Hunyo hanggang Agosto at maaaring tumagal hanggang unang bahagi ng taong 2024.

Tinitiyak naman ng Meralco at DOE sa publiko na patuloy silang nagsusumikap upang masiguro ang paghahatid ng maaasahang serbisyo ng kuryente at sapat na supply nito ngayong panahon ng tag-init.

Nanawagan rin ang Meralco at DOE sa mga kumpanya upang hikayatin ang mga ito na lumahok sa Interruptible Load Program (ILP) ng pamahalaan na nakatutulong sa pag-iwas sa pagpapatupad ng rotating power interruption tuwing may Red Alert o kapag hindi sapat ang supply ng kuryente para matugunan ang pangangailangan.

Sa kasalukuyan, nasa higit 100 na kumpanyang mayroong kabuuang de-loading capacity na nasa mahigit 500 MW ang naka-reshistro sa ILP sa franchise area ng Meralco.

“Kaisa ng pamahalaan ang Meralco sa pagsusulong ng energy efficiency at conservation hindi lamang tuwing tag-init kundi bilang bahagi na ng ating araw-araw na pamumuhay,” ani Meralco Spokesperson at Vice President for Corporate Communications Joe Zaldarriaga.