PARA sa mga bumabatikos at sa mga taong sarado ang paniniwala na ang Meralco ay walang ibang inisip kung hindi umasa lamang sa coal plants para sa suplay ng koryente, makinig kayo.
Kamakailan ay pinayagan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Meralco na maari na silang kumuha ng source ng koryente mula sa Solar Philippines Tanauan Corp. (SPTC). Malinaw na isa sa pagkukunan nila ng karagdagang suplay ng koryente ay mula sa renewable energy (RE) at ito ay mula sa init ng araw o solar energy. Ang SPTC ay pag-aari ng Leandro Leviste na anak ni dating Senador Loren Legarda na kilalang environmentalist.
Ayon sa ibinabang desisyon ng ERC, inaprubahan nila ang kasunduan sa pagitan ng Meralco at SPTC ng 20-year power supply agreement (PSA) na magbibigay ng 50 megawatts sa halagang P5.39 kada kilowatt-hour. Ayon sa ERC, maaring bumaba pa ang singil ng koryente sa ilalim ng power generation charge ng 1.18 centavos kada kilowatt-hour.
Sa pahayag naman ng Meralco, ito ay patunay sa kanilang suporta sa renewable energy. Lumalabas kasi na mas mababa pa ang nakuha nilang pre-syo mula sa SPTC sa regular na presyo ng koryente kapag ito ay nasa ilalim ng feed-in-tariff (FIT) rates. Matatandaan na ang FIT ay isang programa ng ating gobyerno upang mahikayat ang mga ibang kompanya na pumasok sa negosyong RE sa pamamagitan ng bahaging subsidiya mula sa atin sa pa-mamagitan ng dagdag bayad tuwing tayo ay sinisingil sa ating konsumo ng koryente kada buwan.
Sa totoo lang, medyo kuwestiyonable ang nasabing FIT program. Biruin ninyo nagbabayad tayo ng subsidiya sa mga nais magtayo ng RE plants nguni’t kinalaunan, kapag nakapagtayo na sila ng kanilang planta ng koryente ay sisingilin ulit tayo rito. Parang talo yata tayo rito ha?
Subali’t pagdating ng panahon, nakikita ko na sa RE talaga tayo pupunta. Ang coal ay mula sa tinatawag nating fossil fuel. May hangganan din ito. Mauubos din ito. Subali’t ang solar energy ay nandiyan hanggang magunaw ang mundo. Kaya naman patuloy ang pag-aaral at pagsasaliksik upang makaimbento ng mga bagong teknolohiya kung papaano magamit ang init at sikat ng araw bilang koryente na mas mura at abot kaya ng lahat ng tao.
Mahal pa kasi ang magpatayo ng isang solar energy plant. Maliban dito, ang kanyang tinatawag na ‘base load capacity’ ay hindi kasing laki ng ma-kukuha mula sa isang coal plant. Kaya naman kung mapapansin ninyo, ang maaring mabigay na suplay ng SPTC sa Meralco ay 50 megawatts lamang. Nangangailangan ang Meralco mula sa Septyembre 2024 ng mahigit na 1,200 megawatts sa loob ng 20 years. Siguradong hindi kaya mapunuan ito ng mga RE. Coal plants lamang ang may kapasidad na makapag-suplay ng ganitong kalaking bulto ng koryente sa mas murang halaga.
Sa ngayon, kahit na batikusin pa ng mga militanteng grupo at mga environmental group ang coal plant, ito pa rin ang kailangan ng ating bansa upang makatulong sa pag-unlad ng ating ekonomiya.
Nguni’t ang kasunduan ng Meralco at SPTC ay patunay na bukas ang Meralco sa paggamit ng RE sa hinaharap na panahon na maaring bilang pangunahing source ng suplay ng ating koryente at hindi lamang nakatuon sa coal plant.
Comments are closed.