Nagbigay na ng paunang abiso ang Meralco ukol sa bill para sa buwan ng Hunyo na matatanggap ng mga customer nito. Marami ang nagulat nitong nakaraang Mayo sa biglaan at malaking pagtaas sa bayarin sa koryente ng mga customer bunsod ng ipinatupad na ECQ at sa pagpasok ng panahon ng tag-init. Kaya ngayong parating na ang bill sa koryente ng ilang mga customer na hindi pa nakuhanan ng aktwal na reading sa metro noong Mayo, minabuti na ng Meralco na magbigay ng paunang abiso ukol dito.
Naiintindihan ng Meralco ang sentimyento ng kanilang mga customer ukol sa biglang pagtaas ng bill kaya’t pursigido ang mga ito na ipaliwanag sa mga customer kung anong nangyari. Marahil sa paulit-ulit na paliwanag ng kanilang tagapagsalita na si Joe Zaldarriaga at ang kanyang staff, marahil ay sapat na ang kaalaman natin sa pangyayari. Ang iba naman sa atin ay ayaw intindihin ang paliwanag ng Meralco bagkus ay reklamo lamang sila kung bakit mataas ang kanilang babayarang koryente.
Mula nang ipatupad ng pamahalaan ang ECQ noong ika-16 ng Marso ay inihinto na rin pansamantala ng Meralco ang pagbabasa ng metro ng mga customer nito. Noong Mayo, nagbalik-operasyon na ang pagbabasa ng metro ng Meralco. Ngunit dahil noong ika-31 lamang ng Mayo natapos ang pagpapatupad sa ECQ, may ilang mga lugar pa kung saan mas mahigpit ang pagpapatupad ng ECQ na hindi nito nabasahan ng metro.
Bunsod ng restriksyon na ito, nasa 2.8 milyon pa ang bilang ng mga customer na hindi nabasahan ng metro ng Meralco. Dahil dito ay minabuti ng Meralco na huwag munang magpadala ng mga bill sa mga customer na ito hangga’t hindi nababasahan ng aktwal na konsumo ang kanilang mga metro.
Ngayong buwan ng Hunyo ay makakaasa na ang 2.8 milyong mga customer na ito na mababasahan na ang kanilang metro at mapadadalhan na sila ng mga bill na ayon sa aktwal nilang konsumo. Ang kanilang matatanggap na bill ay naglalaman ng aktwal na konsumo nila sa loob ng apat na buwan – Marso, Abril, Mayo, at Hunyo. Asahan po na mas malaki ito kumpara sa normal na natatanggap ng mga customer na bill na karaniwan ay isang buwan lamang na konsumo ang nilalaman.
Ayon sa Meralco, may dalawang pangunahing dahilan kung bakit mataas ang konsumo ng koryente nitong mga nakaraang buwan.
Una, dahil ang buong mag-anak ay nasa bahay noong ECQ, sabay-sabay ang paggamit ng mga kagamitan sa bahay lalo na ang mga kagamitang nagpapalamig gaya ng aircon at bentilador. Ang ilan pang kagamitan na maaaring ginagamit nang sabay-sabay.
Para sa ilan naman na nagtrabaho mula sa kani-kanilang mga tahanan noong ECQ, ang koryente na rati ninyong ginagamit sa opisina ay ginagamit n’yo na ngayon sa bahay.
Ang ikalawang dahilan naman ayon sa Meralco ay ang pagpasok ng panahon ng tag-init. Ang naitalang karaniwang temperatura noong Marso ay nasa 33.25 degrees celsius. 31.33 degrees celsius naman noong Abril, at lalo pa itong tumaas sa 34.22 degress celsius noong Mayo. Bagamat iyan ang mga naitalang karaniwang lebel ng init, may mga araw kung saan umabot sa 38 degrees celsius ang temperatura. Dahil dito, napipilitan ang mga customer ng Meralco na gumamit ng mga aircon, bentilador, at baka mas madalas din buksan ang refrigerator.
Sa pag-aaral na ginawa ng Meralco Power Lab, lumalabas na ang paggamit ng aircon sa loob ng anim na oras sa mga buwan na malamig ang temperatura at ang paggamit nito ng anim na oras sa panahon ng tag-init ay hindi magrerehistro ng parehong konsumo. Ito ay dahil sa ang mga compressor ng mga aircon at refrigerator ay mas kailangan magtrabaho upang mapalamig ang kwarto at ang loob ng refrigerator. Ang konsumo ng mga kagamitang ito ay tumataas ng 25% hanggang 40%.
Ang Meralco bill na matatanggap ng mga customer ngayong buwan ng Hunyo ay may kasamang liham ng paliwanag. Sa liham ay idinetalye ng Meralco ang ukol sa computation ng mga konsumo na naipon para sa mga buwan ng Marso hanggang Mayo at kasama na rin ang konsumo sa buwan ng Hunyo. Upang makagaan sa mga customer, ayon sa Meralco ay ¼ lamang ng kabuuang halaga ng Hunyo ang kailangang bayaran ng mga customer. Makikita kung magkano ito pagdating ng June bill at ang due date nito ay papatak sa buwan ng Hulyo. Ang natitirang balanse sa bayarin sa koryente ay maaaring bayaran nang utay-utay sa mga susunod na buwan. Kaya’t bagamat mataas ang makikita nilang singil sa koryente sa buwan ng Hunyo, hindi dapat mabahala at mag-alala ang mga customer.
Ipinaliwanag din ng Meralco kung paano nila kinalkula ang bill ngayong buwan ng Hunyo para sa mga customer nila na ngayong buwan pa lamang makukuhanan ng aktwal na reading sa metro mula nang ipinatupad ang ECQ. Ang reading na nakukuha ng mga meter reader sa ating mga metro ay inilalagay ng Meralco sa likod na bahagi ng bill sa ilalim ng Metering Information. Kung walang datos na nakalagay sa likod na bahaging ito ng bill, ibig sabihin, ang bill para sa buwan na iyon ay hindi base sa aktwal na reading.
Upang makuha ang kabuuang konsumo sa mga buwan na apektado ng ECQ kasama na ang para sa buwan ng Hunyo, ibawas sa reading ng Hunyo, ang reading para sa buwan ng Pebrero o Marso, depende kung aling buwan ang huling reading sa inyong metro bago ipinatupad ang ECQ. Ang pigurang makukuha ninyo ay ang kabuuang konsumo mula sa huling reading bago ipinatupad ang ECQ hanggang sa nakuhanan kayo ng aktwal na reading ngayong Hunyo.
Hindi kailangang mangamba ng mga customer kung walang sapat na pambayad para sa kabuuang bill na ito dahil maaari itong bayaran nang utay-utay. Ayon sa direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC), ang mga customer na may konsumong 200kwh o mas mababa pa rito kada buwan ay maaaring bayaran ang kanilang bill sa loob ng anim na buwan. Apat na buwan naman para sa mga customer na kumonsumo ng 201kwh pataas. Ang lahat ng detalyeng ito ay matatagpuan sa Meralco bill ng customer ngayong Hunyo.
Nilinaw rin ng Meralco na pansamantala rin nilang sinuspinde ang pagpuputol ng serbisyo ng koryente sakaling hindi makabayad ang mga customer. Ito ay bilang konsiderasyon na epekto ng pandemya sa mga customer nito.
Comments are closed.