SA WAKAS, pagkatapos ng 14 years sa PBA ay nasungkit na rin ng Meralco Bolts ang kauna-unahang kampeonato pagkatapos na talunin nila ang San Miguel Beermen sa best-of-seven finals, 4-2, sa Philippine Cup Conference ng PBA.
Masuwerte at nandoon ako noong Linggo ng gabi sa Smart Araneta Coliseum upang saksihan ang napakagandang laro ng dalawang koponan. Halos hati ang mga basketball fans ng Meralco at SMB na halos napuno ang nasabing palaruan.
Hindi ko itinatanggi na ako ay isang fan ng Meralco Bolts. Noong ako ay siyam na taong gulang pa lang, Meralco fan na ako. Sila ay dating bahagi ng Manila Industrial and Commercial Athletic Association o MICAA. Ang MICCA ay ang PBA noong mga panahon na iyon.
Naging kampeon ang Meralco “Reddy Killowatts” noong 1971 at tinalo nila ang legendary na Crispa-Floro Redmanizers, 65-58, na naganap din sa Araneta Coliseum, mahigit limang dekada na ang nakararaan. Noong idineklara ni dating Pangulong Marcos ang Martial Law noong 1972 ay nawala ang Meralco sa MICAA. Ang may ari ng Meralco noong mga panahon na iyon ay ang pamilya Lopez na kaaway sa politika ng mga Marcos. Kaya noong mga panahon na iyon ay kinuha ng administrasyon ni Marcos ang Meralco.
Ang mga kilalang manlalaro ng Meralco Reddy Kilowatts tulad nina dating Sen. Sonny Jaworski, Francis Arnaiz, Big Boy Reynoso, Fort Acuña at Orly Bauzon ay kinuha ng bagong koponan. Ito ay ang Komatsu/Toyota Comets na pag-aari ni Ricardo Silverio na isang malapit na kaibigan ni Pangulong Marcos.
Nawala ang Meralco sa larangan ng basketbol nang matagal. Noong 2010, pumasok ang Meralco sa PBA matapos kunin nila ang prangkisa ng Sta. Lucia Realtors. Tinawag nila ang kanilang koponan bilang Meralco Bolts na ngayon ay nasa ilalim na ng Manuel V. Pangilinan Group o mas kilalang MVP Group.
Sa umpisa pa lang ay sinundan ko na ang landas ng Meralco Bolts. Limang beses silang pumasok sa finals ng PBA subalit palaging nabibigo. Mula taong 2010 hanggang 2015, hindi masasabing hinog na ang Meralco Bolts bilang isang mabigat na title contender.
Patuloy ang programa ng Meralco Bolts sa pagkuha ng tamang kombinasyon ng mga manlalaro upang matupad ang plano nilang makakuha ng korona sa PBA. May mga magagaling at sikat silang kinuha na mga maglaro sa Meralco tulad nina Asi Taulava, Dani Ildefonso, Gary David, Mike Cortez, Renren Ritualo at maraming pang iba. Subalit tila hindi pa rin nila maayos ang suliranin ng tamang kumbinasyon. Noong 2012 ay kinuha nila si Cliff Hodge na hanggang ngayon ay nananatili sa Meralco Bolts.
Pasok ang 2015 season nang kinuha nila si Chris Newsome mula sa Ateneo at si Baser Amer mula sa San Beda.
Magagaling na manlalaro sa kolehiyo ng UAAP at NCAA. Dito na sila nagsimulang ayusin at palakasin ang Meralco Bolts. Nakasubok na sila pumasok sa finals, subalit hindi nananalo. Dito na unti-unting kinuha ang mga manlalaro na nagsisilbing sentro ng kanilang koponan.
Kinuha nila sinw Raymond Almazan at Allein Maliksi noong 2019. Sumunod na sina Aaron Black, Chris Banchero, Bong Quinto, Anjo Caram, Jose Raymar, Alvin Pasaol at Jansen Rios.
Nakita ng coaching staff na kulang sila ng malalaking manlalaro upang mabuo ang kanilang koponan. Kaya kinuha nila si Kule Pascual mula sa Terrafirma at si Norbert Torres mula sa Rain or Shine.
Ang malaki at magandang hakbang na ginawa ng Meralco Bolts ay ang pagkuha sa sentro na si Brandon Bates noong 2022 na naging sorpresa ng nasabing koponan. Isa rin si Bates bilang isang instrumento sa depensa ng Bolts. Kaya niya ring makipagsabayan kay Jun Mar Fajardo ng SMB na itinuturing na pinakamagaling na sentro at manlalaro sa PBA. Kinalaunan ay nasungkit din ang inaasam na kampeonato ng Meralco.
Ang magandang serye sa bakbakan nila kontra SMB ang nagbigay pag-asa sa panunumbalik ng interes ng mga fans ng PBA. Tila kasi nagsawa na ang mga PBA fans sa napaka- llamadong koponan ng SMB at Ginebra. Halos lahat kasi ng mga magagaling na manlalaro ay nandito na sa dalawang koponan. Ang ikatlo rito ang ang Talk n Text.
Subalit ang pagpasok ng Meralco bilang isang malakas na koponan ay binasag ang persepsyon na ito. Sana naman ay kunin ang kaganapan na ito ng liderato ng PBA para tulungan ang ibang mga koponan sa PBA na palakasin din ang pag asa na maging kampeon tulad ng Meralco.
Mabuhay ang Meralco Bolts!