SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon, ang isang buong coaching staff ay gagawaran ng pinakamataas na parangal sa PBA Press Corps Awards Night.
Ang Meralco coaching staff ang tatanggap ng Baby Dalupan Coach of the Year award sa 30th edition ng PBA annual awards ngayong Martes sa Novotel Manila Araneta City.
Nakopo ng Bolts ang kanilang unang PBA championship sa franchise history sa likod ng six-game upset sa pinapaborang San Miguel Beermen sa Philippine Cup finals na tinawag ng koponan na ‘collective effort ng kanilang buong coaching staff’.
Sina mentor Luigi Trillo, active consultant Nenad Vucinic, at deputies Gene Afable, Reynel Hugnatan, at Sandro Soriano, kasama si consultant Norman Black, ang mga nasa likod ng bench ng Meralco Bolts.
Si Trillo ay naging recipient na ng award na ipinangalan sa ‘Maestro’ ng Philippine basketball coaching na si Virgilio ‘Baby’ Dalupan, noong 2012-13 season nang gabayan niya ang fabled Alaska franchise sa huling PBA championship nito sa Commissioner’s Cup.
Dadalo ang mga miyembro ng pamilya Dalupan sa event na itinataguyod ng Cignal upang personal na iabot ang Dalupan trophy sa Meralco coaching staff.
Si dating PBA Commissioner at Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) Executive Director Renauld ‘Sonny’ Barrios ang magiging special guest of honor at keynote speaker kung saan sasamahan niya ang buong Press Corps sa pangunguna ng presidente nito na si Vladi Eduarte ng Abante Group of Publishing, sa pagkilala sa top achievers ng Season 48.
Bahagi ng honor roll sina San Miguel Corporation (SMC) Sports Director Alfrancis Chua (Danny Floro Executive of the Year), Robert Jaworski Sr (Lifetime Achievement Award), Gilas Pilipinas coach Tim Cone (President’s Award), Cliff Hodge (Defensive Player of the Year), Ian Sangalang and LA Tenorio (Comeback Player of the Year), at Bong Quinto (Mr. Quality Minutes).
Ang iba pang awardees ay kinabibilangan nina Robert Bolick (Scoring Champion), June Mar Fajardo (Order of Merit), ang All-Rookie Team nina Stephen Holt, Adrian Nocum, Cade Flores, Kenneth Tuffin, at Kemark Carino, kasama ang mga kinatawan ng Meralco at San Miguel para sa Game of the Season.
Bibigyan din ng citations sina Hazel Ancheta at Ma. Corazon Perez ng PBA office para sa kanilang tulong at suporta sa Press Corps sa loob ng maraming taon, at ang MagBeerPagRain team sa pagwawagi sa binuhay na Raffy Japa Cup.