MERALCO GAMIT NA ANG ARTIFICIAL INTELLIGENCE PARA SA PINAGBUTING SERBISYO

PATULOY ang Meralco sa pagpapahusay ng operasyon at serbisyo nito sa mga customer. Kamakailan ay pormal na inilunsad ng Meralco ang bago nitong command and control center na tinawag na Operations Platform and Telecommunications Integrated Command Center o OPTIC.

Ang nasabing makabagong pasilidad ay itinuturing na state-of-the-art at nagsisilbi nang tagapangasiwa ng information, communications, and technology (ICT) systems sa lahat ng opisina ng Meralco. Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na gagamitin ang OPTIC sa operasyon ng distribution utility sa bansa.

Sa pamamagitan ng makabagong command center na ito na gamit ang teknolohiya ng Artificial Intelligence (AI), inaasahang mapapababa ng kompanya ang mga insidente ng pagkakaroon ng hindi inaasahang downtime ng mga kritikal na sistema ng ICT. Makatutulong din ito upang mas maging produktibo ang mga empleyado. Higit sa lahat, mas inaasahan na sa pamamagitan nito ay mas magiging mahusay pa ang serbisyo ng Meralco sa mga customer nito.

Ayon sa Meralco, ang kombinasyon ng mga mahuhusay nitong ICT engineer at ang bagong lunsad na OPTIC ay makapagbibigay ng sentralisadong sistema ng pagsubaybay sa operasyon nito. Bilang resulta, magiging mas mabilis ang pagdiskubre ng mga trouble sa operasyon at magiging mas mabilis ang pagpapanumbalik ng naantalang serbisyo ng kompanya.

Gamit ang alarm system na maaaring marinig mismo ng mga ICT engineer kapag mayroong insidente o pangyayaring hindi inaasahan, magiging mas mabilis ang aksiyon ng kompanya ukol dito. Mayroon din itong 360-degree video conferencing system na siyang magpapadali ng koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang opisinang reresponde sa insidente.

Ang makabagong teknolohiya ng AI ay magsisilbing taga-analisa rin ng mga system log. Inaasahan ding magbibigay ito ng mga impormasyon at gabay ukol sa mga dapat gawin sa operasyon, at magbibigay daan sa pagkakaroon ng predictive at proactive na uri ng maintenance.

Ayon kay Meralco President at CEO Atty. Ray C. Espinosa, ang bagong plataporma na ito ay maituturing na mahalagang pundasyon sa layunin ng Meralco na gawing mas mahusay at digital ang mga sistemang gamit nito.

Dahil sa pandemya, ang mga konsyumer ay napilitang umasa sa mga digital na platform ng mga kompanya na naghahatid ng produkto at serbisyo. Gayon din naman sa bahagi ng mga kompanya upang makapagpatuloy sa paghahatid ng serbisyo sa mga customer. Sa kasalukuyan, lubhang mahalaga para sa mga ito ang mamuhunan sa makabagong teknolohiya upang mapanatiling mahusay ang operasyon nito.

Hindi matatawaran ang pagtaas ng kalidad ng serbisyo na dulot ng paggamit ng makabagong teknolohiya, lalo na’t ito ay sasamahan pa ng kagalingan ng mga empleyadong mangangasiwa nito. Meralco ang namuhunan, ngunit sa huli ay mga customer ang tunay na makikinabang.

Nakatataba ng puso na malaman na patuloy pa rin ang Meralco sa pagpapahusay ng kanilang serbisyo para sa mga customer. Tayo ay nasa kritikal na panahon kung saan malaki ang papel na ginagampanan ng industriya ng koryente sa muling pagbangon ng ating ekonomiya. Kaya mahalagang nakikitaan ng inisyatiba ang mga miyembro nito na paghusayin ang operasyon upang patuloy na makapaghatid ng liwanag sa bansa.