MERALCO HANDA SA HAGUPIT NG BAGYO AT IBA PANG KALAMIDAD

Joe_take

KATATAPOS lamang ng pananalasa ng bagyong Karding sa Pilipinas ngunit mayroon na namang panibagong tropical depression na binabantayan ang Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA), na pinangalanang Luis. Ito na ang ika-12 bagyong tatama sa bansa, at ika-apat aa buwan ng Setyembre.

Kung tutuusin, hindi na nakagugulat ang ganitong balita dahil isang natural na pangyayari na para sa bansa ang daanan ng mga bagyo. Umaabot sa humigit kumulang 20 na bagyo kada taon ang dumadaan Sa bansa kaya bagaman sanay na tayo sa ganitong pangyayari, hindi pa rin dapat maging kampante pagdating sa usapan ng kahandaan.

Bilang pinakamalaking distribution utility sa bansa, handa ang Meralco sa pagharap sa mga kalamidad katulad ng bagyo. Palaging nakabantay ang kompanya sa mga ulat ukol sa pagpasok ng mga bagyo kaya naman bago pa man ito magsimulang manalasa, nakahanda na ang kompanya at ang mga empleyado nito na gampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin na maghatid ng liwanag sa mga customer.

Bagaman hindi direktang tinamaan ng bagyo ang mga lugar na sakop ng serbisyo ng Meralco, minabuti pa ring maghanda ng kompanya dahil sa mga ulat ng matinding pag-ulan sa NCR at iba pang karatig-lugar nito na sakop ng Meralco.

Batid ng Meralco ang kahalagahan ng serbisyo ng koryente kaya umulan man at bumagyo, tuloy-tuloy ang operasyon ng kompanya 24/7. Kahit walang bagyong paparating, regular na nagsasagawa ang kompanya ng scheduled maintenance activities sa mga lugar na sakop nito upang masigurong nananatiling maayos ang kondisyon ng mga pasilidad sa lugar.

Kapag may paparating na bagyo, naglilibot ang mga crew ng Meralco upang siguruhin na ang mga pasilidad nito ay hindi basta-basta maaapektuhan ng mga puno at halaman. Nagsasagawa ito ng tree trimming activities sa mga lugar kung saan dumidikit na sa mga linya ng Me­ralco ang mga dahon at sanga ng mga puno.

Naglalabas din ang kompanya ng mga impormasyon at paalala para sa mga customer ukol sa kung ano ang mga dapat gawing paghahanda para sa paparating na bagyo. Ang mga ito ay inilalabas sa mga opisyal na social media account ng kompanya sa Twitter at Facebook, at ipinakakalat din sa pamamagitan ng mga media advisory.

Batay sa historical data ng Meralco, karaniwang tumataas ang bilang ng mga tawag at mensaheng natatanggap nito mula sa mga customer kapag may bagyo. Upang masigurong ang lahat ng tawag ay masasagot, at ang lahat ng mensahe ay matatanggap, full force ang Call Center Team ng kompanya. Mayroon ding pumapasok na mga empleyado mula sa ibang departamento para sumagot din ng mga tawag at mensahe. Sa ganitong paraan ay lalo pang tumataas ang kapasidad ng kompanya sa pagtanggap ng mga concern ng mga customer pagpasok ng bagyo.

Ang mga customer report na natatanggap ng Meralco ay ibinibigay sa mga magigiting na line crew ng kompanya. Basta’t hindi mapanganib ang sitwasyon, kahit na patuloy ang pag-ulan at pagsama ng panahon, rumeresponde ang mga ito sa mga report ng mga customer sa lalong madaling panahon.

Mayroon ding sistema ang kompanya ukol sa pagbabantay sa mga lugar na may ulat ng mataas na pagbaha, at mga lugar na karaniwan nang binabaha sa tuwing may malakas na pag-ulan. Maagap sa ganitong sitwasyon ang Meralco. Sa oras na tumaas ang tubig sa mga lugar na ito, pansamantalang papatayin ang sirkito ng kuryente rito para sa kaligtasan ng mga residente.

Ang bunga ng kahandaan ng Meralco sa pagharap sa mga kalamidad ay nasasalamin sa mabilis na pagbabalik ng serbisyo ng koryente sa mga customer na naapektuhan ng bagyo. Umabot sa humigit kumulang 1.2 milyong customer ang nawalan ng koryente noong ika-25 ng Setyembre. Mabilis na bumaba ang bilang na ito dahil mula sa higit isang milyon, ito ay bumaba sa 51,000 sa loob ng 24 oras. Matapos ang tatlong araw ay balik-normal na ang operasyon ng kompanya.

Hindi lang sa pagresponde handa ang Meralco, kundi pati rin sa paghahatid ng tulong sa mga lugar na hinagupit ng bagyong Karding. Nang bumuti ang lagay ng panahon, agad na nagpadala ng relief packs ang One Meralco Foundation (OMF) sa mga residente ng San Mateo Rizal, at Polilio Islands sa Quezon. Ang OMF ang sangay ng Meralco na nangangasiwa sa mga insiyatiba ng kompanya na may kinalaman sa pagtulong sa komunidad.

Patapos na ang buwan ng Setyembre, at 12 na bagyo pa lamang ang pumapasok sa bansa. Napakataas ng posibilidad na marami pang darating na bagyo hanggang sa pagtatapos ng taon. Nawa’y ugaliin nating maging handa para sa mga kalamidad gaya ng bagyo. Isipin na lamang natin kung ilang buhay ng mga rescuer ang hindi mailalagay sa alanganin dahil sa pinili nating maging handa.

Bilang pagtatapos, nais kong gamitin ang pagkakataong ito upang iparating ang aking pakikiramay sa mga pamilya ng mga magigiting na rescuer ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na nasawi habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Maaga man kayong kinuha ng Panginoon, habambuhay namang babaunin ng sambayanang Pilipino at ng inyong mga naiwang mahal sa buhay ang alaala ng inyong dakilang sakripisyo. Sumalangit nawa ang mga kaluluwa nina George E. Agustin, Troy Justin P. Agustin, Marby B. Bartolome, Jerson L. Resurrecion, at Narciso Calayag Jr. Salamat po sa inyong serbisyo.