MERALCO, ISINUSULONG ANG PANTAY NA PAGTINGIN SA MGA KASARIAN

ABANTE BABAE. Makikitang umaakyat ng poste si Zuzette ­Castro, isa sa mga ­mahuhusay na babaeng linecrew ng Meralco

KASABAY ng pagdiriwang ng ­Pandaigdigang Buwan ng mga ­Kababaihan, lalo pang pinalawig ng Meralco ang mga programa nitong ­nagsusulong ng pantay na pagtingin sa mga kasarian sa industriya ng enerhiya.

Tuluy-tuloy ang isinasagawa ng kumpanya para maglinang ng mga kakayahan ng mga linecrew sa ilalim ng prog­rama nitong Meralco Linecrew Training Prog­ram (MLTP). Ngayong taon, pitong bagong babaeng linecrew ang ina­asahang magiging bahagi ng kumpanya pagkatapos nilang makumpleto ang kanilang pagsasanay noong nakaraang taon.

Sa ilalim ng MLTP, hinahasa ang mga aplikante sa pag-akyat ng poste, pag-aayos ng mga high-voltage faci­lity at iba pang aspetong mahalaga sa trabaho ng isang linecrew.

Ang programang ito ay bahagi ng layunin ng Meralco na paramihin pa ang mga babaeng linecrew na makatutulong sa misyon ng kumpanya na maghatid ng tuluy-tuloy at maaasa­hang serbisyo ng kur­yente sa milyun-milyong customer nito. Sa kasalukuyan, may 23 babaeng linecrew ang Meralco.

Isa sa mga sumailalim sa MLTP si Zuzette Castro na kasalukuyang nagtatrabaho bilang linecrew ng Meralco. Aniya, mahalaga at tunay na kapaki-pakinabang ang mga aral na natutunan niya sa MLTP.

Taong 2022 nang lumahok sa MLTP si Castro matapos siyang magdesisyon na iwan ang trabaho sa ibang bansa upang magampanan ang kaniyang tungkulin bilang isang ina sa kaniyang nag-iisang anak na lalaki.

Dating nagtatrabaho bilang kahera sa isang gasoline station sa Dubai si Castro ngunit napilitan siyang bumalik ng Pilipinas sa kasagsagan ng pandemya.

Aniya, kakatigil pa lamang niya sa pagpapasuso ng anak nang magsimula siyang magsanay sa ilalim ng MLTP.

“Mahirap talaga ma­ging linecrew pero namo-motivate ako ‘pag naiisip ko ‘yung anak ko at syempre ‘yung pride na rin sa trabaho ko na naka­kapagserbisyo ako sa publiko,” saad ni Castro.

Dagdag pa niya: “Malaki talaga ang pinagbago ng buhay ko mula nung sumali ako sa Meralco kasi mas naaa­lagaan ko nang mabuti ‘yung anak ko. Dati nakikitira kami, ngayon nakabukod na kami.”

Isa lamang si Castro sa higit isang daang kababaihan na pumasok sa Meralco noong nakaraang taon. Nasa 23% ng populasyon ng mga emple­yado ng Meralco ay mga babae—higit sa 13% na pandaigdigang kalahatan sa industriya ng enerhiya.

Layunin ng Meralco sa ilalim ng sarili nitong programang #Mbrace na palawakin pa sa 40% ang representasyon ng kababaihan sa hanay ng mga manggagawa nito pagdating ng taong 2030.

Ang programang #Mbrace ay sumusuporta sa Sustainable Development Goals (SDG) 5 ng United Nations ukol sa Gender Equality, at sa UN SDG-10 tungkol sa Reduced Inequalities.

Bukod kay Castro, kabilang din sa hanay ng mga babaeng empleyado ng Meralco si Karen Canizares na isa sa mga kauna-unahang babaeng linecrew ng kumpanya. Taong 2013 nang lumahok si Canizares sa MLTP at kinalaunan ay nakapasok bilang emple­yado ng kumpanya.

Mula sa pagiging babaeng linecrew, ngayon ay isa nang Quality Ins­pector si Canizares.

“May career growth dito sa Meralco at hindi ka nila tatratuhin na iba dahil babae ka,” aniya. “Kagaya sa ibang trabaho, kailangan mo rin patunayan ‘yung sarili mo para ma-promote ka. Basta pursigido ka at pinagbubuti mo ‘yung trabaho mo, magtatagumpay ka.”

Matatandaang taong 2013 nang sinimulan ng Meralco ang pagtanggap sa mga kababaihan para magsanay at magtrabaho bilang linecrew ng kum­panya bilang bahagi ng adbokasiya nito na isulong ang pagkakapantay-pantay ng mga kasarian.

Isa si Zuzette Castro sa mga nakakabilib na babaeng tumanggap sa hamon ng pagiging babaeng linecrew ng Meralco.

SCHOLARSHIP PARA SA MGA BABAENG ELECTRICAL ENGINEER

Katulad ng MLTP, ang MPowHER scholarship ng Meralco ay isa sa mga programang sumusuporta sa adhikain ng kumpanya na palawakin ang representasyon ng kababaihan sa industriya ng enerhiya.

Sa tulong ng One Meralco Foundation (OMF), nakapagbigay ang kumpanya ng scholarship sa 22 babaeng estudyanteng nagnanais na maging mga propesyunal na electrical engineer ngayong taon.

Ang mga iskolar ay mula sa Batangas State University, Nueva Ecija University of Science and Technology, Polytechnic University of the Philippines, University of the Philippines sa Diliman at sa Los Baños.

Taong 2022 nang simulan ng Meralco ang MpowHER scholarship program kung saan 18 babaeng estudyante ang ginawaran ng tulong pinansyal para sa pagkain, transportasyon, internet, libro, pati na rin para sa kanilang rebyu at board exam sa huling taon ng kanilang pag-aaral.

Magkakaroon din ng pagkakataon ang mga iskolar na sumalang bilang On-the-Job Trainee (OJT) sa Meralco at makapagtrabaho sa kumpanya kinalaunan.

Ayon kay Meralco Chief CSR Offi­cer at OMF President Jeffrey O. Tarayao, mahalaga ang edukasyon para lalo pang mapaghusay ng mga kababaihan ang kanilang mga talento at kakayanan.

Dahil sa mga programa nitong nagsusulong sa pagkakapantay-pantay ng kasarian, ang Meralco ang tanging electric utility sa Pilipinas na napabilang sa 2023 Bloomberg Gender Equality Index. Ito ay isang index na sumusukat sa mga programa ng mga kumpanyang publicly-listed para isulong ang pantay na karapatan batay sa kasarian.

Kinilala ang Meralco para sa pantay na pagpapasahod, mga polisiya laban sa pang-aabusong sekswal, at kulturang nagsusulong ng pagkakapantay-pantay.