ANG MERALCO, bilang pinakamalaking distributor ng koryente sa bansa at natatanging kompanyang apat na beses nang kinilala bilang Quill Company of the Year, ay muling nagningning at nagpamalas ng kagalingan sa larangan ng komunikasyon sa katatapos na Philippine Quill Awards.
Tumanggap ng dalawa sa pinakamataas na parangal ang kompanya sa nabanggit na pormal na pagtitipon na ginanap sa Marriott Grand Ballroom at kinilala rin bilang ikatlo sa kategoryang Company of the Year. Ito ay isang patunay sa patuloy na kagalingan at kahusayan ng kompanya sa larangan ng komunikasyon sa negosyo.
Ngayong taon, humakot ang Meralco ng kabuuang bilang na 22 na gatimpala para sa mga kampanya nito – 9 na tropeo ng Excellence at 13 naman na tropeo ng Merit.
Kabilang sa mga malalaking kaganapan sa nasabing pagtitipon ay ang pagwawagi ng Meralco ng Top Award para sa kategoryang Communication Skills na iginawad sa kampanya nitong pinamagatang Meralco Typhoon Watch 2018 at ng Top Award sa kategorya ng Communication Research na napanalunan ng kanilang Evaluation of One Meralco Foundation’s Household Electrification Program (HEP).
Kinilala rin ang Meralco Advisory, ang buwanang kampanya nitong pang-impormasyon, bilang finalist para sa Top Award sa kategorya ng Communications Management.
Ang Philippine Quill Awards, sa ilalim ng pangangasiwa ng International Association of Business Communicators (IABC) Philippines, ay itinuturing na pinakaprestihiyosong programang pangkomunikasyon na kumikilala sa kagalingan ng iba’t ibang kompanya at organisasyon sa bansa sa paggamit ng komunikasyon upang makamit ang mga layunin nito at sa pagtutulak ng pagbabago sa lipunan.
Comments are closed.