PAILAWAN ang kanayunan gamit ang enerhiyang solar.
Nangunguna ang Filipinas sa Asia sa pag-generate ng elektrisidad gamit ang makabagong sistema ng solar photovoltaic, ayon sa isang eksperto sa renewable energy mula pa sa Netherlands. Sa buong daigdig, panglima ang ating bansa sa naturang industriya kasunod ang Chile, South Africa, Brazil at Thailand.
Sa kasalukuyan, ang solar power ang itinuturing na pinakamurang paraan para makagawa ng elektrisidad sa maraming bansa kasama na ang Filipinas na isang bansang may matinding sikat ng araw sa loob ng buong taon.
Ipinagpala tayo sa pagkakaroon ng napakaraming natural na pagkukunan ng enerhiya na maaaring gamitin para mapunan ang pangangailangan ng bansa sa koryente. Dapat nating gamitin ang mga ito para sa kapakanan ng nakararami. Renewable energy ang itinuturing na bagong mukha ng industriya ng koryente. Hindi maitatanggi ang linis ng teknolohiyang ito kumpara sa kasalukuyang pinagkukuhanan natin ng koryente.
Kasalukuyang namamayagpag ang malinis at luntiang teknolohiya hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo. Hindi lamang ng pag-unlad ng ating ekonomiya at ng ating bansa ang pinag-uusapan dito kung hindi ang pagbuti ng antas ng kabuhayan nating mga Filipino.
Mismong ang kalihim ng Department of Energy (DOE) na si Alfonso Cusi ang nagsabing nakikita niyang malaking tulong ang maibibigay ng renewable energy katulad ng enerhiyang solar para mapunan ang pangangailangan ng bansa sa koryente sa mga susunod na taon. Ayon kay Cusi, may mandato ang kanyang kagawaran na seguruhing may sapat na suplay, maaasahan at murang elektrisidad ang bansa. Dagdag pa niya bukas ang kanyang departamento sa paggamit ng makabagong teknolohiya para mapaigting ang paggamit ng mga natural na pinagmumulan ng enerhiya. Ito ang dahilan kaya nakipagtulungan ang Meralco sa DOE at lokal na unit ng pamahalaan sa bayan at siyudad ng Batangas gayundin sa United States Agency for International Development (USAID), upang maitayo at opisyal na buksan ang 32-kilowatt (kw) solar panel microgrid at pasilidad para sa 192 kilowatthour (kWh) battery storage sa Isla Verde noong nakaraang linggo.
Napakalaking bagay ang nagawa ng proyetong ito dahil mas mapapabuti ang pamumuhay ng mga residenteng nagkaroon ng koryente sa pamamagitan ng proyektong ito ng Meralco.
Bagamat nakapuwesto sa tagong lugar, hindi maitatanggi ang likas na kagandahang taglay ng Isla Verde. Ito ay tila tagong paraiso ng Batangas. Napakalaki ng potensyal nito na maging kabilang sa mga lugar sa bansa na gugustuhing dayuhin ng mga turista.
Ang pagkakaroon ng koryente sa islang ito ang unang hakbang upang mangyari ito. Ito ay isa lamang sa paraan kung paano maaaring umunlad at umangat ang antas ng kabuhayan ng mga taga-Isla Verde ngayong mayroon nang pinagkukuhanan ng koryenteng pangmatagalan ang islang ito. Bago naisagawa ang proyektong ito, ang Isla Verde ay umaasa lamang sa mga generator sets gamit ang diesel, baterya ng sasakyan, at maliliit na solar panel sa lugar.
Ang lahat ng mga nabanggit ay sapat lamang upang makapagbigay ng supply ng koryente sa lugar sa loob ng apat na oras kada araw.
Ang tagong lokasyon ng Isla Verde ay may mga mabuti at ‘di mabuting epekto. Upang matunton ang Isla Verde, kailangang sumakay ng bangka at bumiyahe ng isa’t kalahating oras. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi ito nababahaginan ng koryente sa Luzon grid.
Ngunit sa pamamagitan ng renewable energy ay maseserbisyuhan na rin sa wakas ng koryente ang lugar na ito.
Ang Isla Verde ang unang solar microgrid project ng Meralco. Anim na barangay sa Isla Verde ang nagbago ang buhay dahil sa proyektong ito.
Bunsod ng pagkakaroon ng solar microgrid sa lugar, bababa na rin ang carbon footprint nito dahil hindi na mangangailangan na gumamit pa ng diesel para sa mga generator set para lamang pansamantalang magkaroon ng koryente sa lugar. Kung matatandaan din, isa sa mga iniutos ni Pangulong Duterte sa industriya ng koryente ang pagkakaroon ng koryente sa buong Filipinas lalo roon sa mga liblib na lugar na nangangailangan ng ayuda ng pamahalaan.
Ang tagumpay ng mga nabanggit na proyekto ng Meralco ay patunay kung gaano kalaking pagbabago ang kaya nating gawin kung tayo ay magkakaisa at magtutulungan para sa isang adhikain – ang kaunlaran ng bansa at ng bawat Filipino.
Tunay na nakagagalak ang makitang sama-sama, tulong-tulong at sumusuporta sa isa’t isa ang DOE, Meralco, at lokal na pamahalaan ng Batangas.
Ang pagpapailaw sa Isla Verde ay unang hakbang lamang sa isang maliwanag na bukas.
Nakatataba ng puso na makitang masaya na ang maraming pamilya sa isla dahil mayroon na silang malinis at maaasahang koryente.
Ipagpapatuloy ng Meralco ang pagbibigay ng liwanag sa iba pang kanayunan sa taong ito at sa mga susunod pang taon.
Comments are closed.