(Ni CRIS GALIT)
HUMINGI ng paumanhin ang Manila Electric Company (Meralco) sa abalang naidulot ng kanilang billing sa nakalipas na buwan dulot ng pandemiyang COVID-19 sa kanilang meter reading.
“Mahirap po talaga ang naging kalagayan para sa lahat dahil sa COVID-19 pandemic. Hindi po inaasahan at napaghandaan ng nakararami, tulad namin, ang sitwasyong ito at ang kasamang hirap sa meter reading at billing. Nais naming maging patas, tapat at makatulong sa aming mga customer. Nais din naming humingi ng paumanhin sa anumang abala na naidulot nito.”
Nitong Mayo 22, naglabas ng order ang Energy Regulatory Commission (ERC) na nag-uutos sa Meralco at iba pang electric cooperatives at distribution utilities na apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay maaaring hindi muna bayaran nang buo ang bills para sa Marso, Abril at Mayo. Pwede nila itong hulug-hulugan ng apat hanggang anim na buwan na agad nilang ipatutupad.
Ang mga konsyumer na kumonsumo ng 200 kWh pababa noong PEBRERO ay papayagang magbayad ng anim na hulog ng walang kaukulang dagdag o penalty simula Hunyo. Ang mga mas mataas naman ng 200 kWh na konsumo noong PEBRERO ay puwedeng apat na buwan na hulug-hulugan ang bills – wala ring penalty.
Makaaasa rin umano ang mga konsyumer na maglalabas ang Meralco ng ABISO para idetalye ang aktuwal na bill para sa mga buwan na huhulugan ng mga ito.
Para hindi mahirapan ang mga kustomer, nagbigay din ang Meralco ng iba’t- ibang paraan para makapagbayad ang publiko ang kanilang bill ng kuryente katulad ng online banking sites, Paymaya, Gcash, Bayad Center app at Meralco Online.
Inanunsyo din ng Meralco na ibabalik nito ang P47 convenience fee para sa mga customer na nagbabayad gamit ang Meralco Online simula noong March 16 hanggang May 15, 2020.
Nag-umpisa na rin na mamigay ng sulat ang Meralco na nagpapaliwanag kung paano ang naging sistema nito sa pagbi-bill sa customers nito ngayon mga buwan ng ECQ.
Dahil na rin sa pagsunod sa mga guideline ng gobyerno hinggil sa ipinatutupad na ECQ na manatili muna sa bahay para ma-kontamina ang pagkalat ng Covid-19 at masiguro rin ang kaligtasan ng kanilang mga tauhan, hindi na muna sila nakapagbasa ng metro ng kuryente ng mga customer. Estimated billing muna ang maging panuntunan para makapag-bill sila sa konsyumer. Pansamantala munang in-average ng Meralco ang Marso at Abril bill base sa huling tatlong buwan (Diyembre 2019, Enero at Pebrero 2020]. Mas mababa ang average na konsumo ng kuryente sa mga buwang ito dahil malamig pa ang klima.
SAMPLE COMPUTATION CHART
Narito ang sample computation chart na maaaring kasama sa mga sulat na ipadadala ng Meralco sa kanilang konsyumer.
Dahil sa pagluwag ng quarantine nitong Mayo, nag-umpisa nang mag-ikot ang meter readers ng Meralco para basahin ang aktwal na kinonsumo ng mga kustomer ng Meralco, at sa aktwal na May bill nadagdag ang kulang o hindi nasingil noong Marso at Abril.
Ang bill sa Mayo ang biglang tumaas dahil ang buong pamilya ay nasa bahay habang nasa ECQ. Dahil dito, ‘di maiwasang magkasabay-sabay ang gamit ng appliances at gadget kaya mas madaming kuryente ang kailangan para magpatakbo ng electric fan, aircon at mga refrigerator.
Sa mga hindi pa nakapagbayad ng bills para sa tatlong buwan na apektado ng ECQ, makabubuting hintayin ang bill na naglalaman ng detalye kung paano ang hatian ng bayaran sa loob ng apat hanggang anim na buwan. Sa mga nakapagbayad naman, walang dapat ipag-alala dahil kung may sobra man na nabayaran, ibabalik ito muli ng Meralco sa pamamagitan ng refund o di kaya naman ay credit sa susunod na bill.
Sa panahon ngayon na marami ang nagagawang tulong ng teknolohiya, balak ng Meralco na gumamit ng smart meter technology sa pagbabasa ng mga metro ng kuryente. Ang teknolohiyang ito ay may kakayahan mabasa ang metro ng mga customer kahit hindi ito mapuntahan ng meter readers. Balak umano ng kumpanya na maglatag ng 3.3 milyon na smart meter sa susunod na 8 taon. Napakainam na proyekto para sa panahon ng pandemya.