MERALCO NAGPAALALA SA LIGTAS NA PAGGAMIT NG KORYENTE SA PAGSALUBONG SA BAGONG TAON

PINAALALAHANAN ng Manila Electric Company (Meralco) ang publiko na maging maingat sa paggamit ng koryente upang makaiwas sa aksidente sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Mananatiling nakabantay 24/7 ang mga crew ng Meralco para matiyak ang maayos at tuloy-tuloy na serbisyo ng koryente sa nasa 8 milyong customers nito at matiyak ang maliwanag, masaya, at ligtas na pagdiriwang.

“Nagpapaalala kami sa aming mga customer na iwasan ang pagsindi ng mga paputok malapit sa mga pasilidad ng kuryente upang maiwasan ang aksidente. Makakaasa ang aming mga customer na handang tumugon sa mga posibleng alalahanin sa serbisyo ng kuryente ang aming mga crew,” ani Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.

Narito ang mga paalala ng Meralco tungkol sa ligtas na paggamit ng koryente para lubusang maging masaya at ligtas ang pagsalubong sa Bagong Taon:
• Huwag magsindi ng paputok malapit sa pasilidad ng koryente. Iwasang gumamit ng paputok malapit sa mga pasilidad ng kuryente gaya ng poste, mga kable, at mga transformer. Ang pagtama ng mga paputok sa mga nabanggit ay maaaring magdulot ng pagkaantala sa serbisyo ng koryente.
• Umiwas sa mga pasilidad ng koryente kung gagamit ng party items. Huwag gumamit ng mga lobo, mga party popper, at iba pang mga party item malapit sa mga kable ng kuryente dahil ang pagdikit nito sa mga pasilidad ay maaaring magdulot ng problema sa serbisyo ng kuryente.
• Maghanda ng fire extinguisher. Makabubuti kung may nakahandang fire extinguisher sakaling magkaroon ng sunog dahil sa mga paputok.
• Iwasan ang ‘octopus’ connection at overloading. Huwag pagdugtung-dugtungin ang mga extension cord o ang tinatawag na ‘octopus connection’. Ang pag-overload ng mga electrical outlet o extension cord ay isa sa mga karaniwang sanhi ng sunog.
• Tanggalin sa pagkakasaksak ang mga Christmas light at iba pang appliance na hindi ginagamit.

Huwag kalimutan na bunutin sa pagkakasaksak ang mga Christmas light at iba pang appliance kapag hindi ginagamit ang mga ito pati na rin bago umalis ng bahay.

Bagama’t sarado ang mga Meralco Business Center mula Disyembre 30 (Rizal Day) hanggang Enero 1 (Bagong Taon), maaari pa ring makipag-ugnayan ang mga customer sa pamamagitan ng mga opisyal na social media account ng Meralco sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X na kilala dati bilang Twitter (@meralco). Maaari rin sumangguni sa pamamagitan ng pag-text sa 0920-9716211 o 0917-5516211 o pagtawag sa Meralco Hotline 16211 at 8631-1111.