MERALCO, NAGPAKITA NANG MAHUSAY NA SERBISYO SA LOOB NG UNANG SIYAM NA BUWAN NG TAON

MAIN PHOTO MERALCO

Panalo ng mga customer, komunidad, at ng bansa

HALOS dalawang taon na mula nang maideklarang pandemya ang COVID-19 kung kaya’t hindi maitatanggi ang pagbabagong naidulot nito sa takbo ng buhay hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo. Nang magsimula ito noong 2020, tumutok ang mga pamahalaan ng iba’t ibang bansa sa pagbuo ng epektibong istratehiya ukol sa pagkontrol ng pagkalat ng virus.

Naging matindi rin ang epekto ng virus sa pandaigdigang ekonomiya. Tila napa¬ralisa ito, at bilang resulta, pansamantalang huminto o nalimitahan ang operasyon ng iba’t ibang industriya.

Ang industriya ng koryente ay hindi naging ligtas sa epekto ng pandemya. Kinailangan ng mga miyembro ng industriya ang mabilis at agarang pagpapatupad ng istratehiya para mai-akma ang kanilang operasyon upang masolusyunan ang mga pagsu¬bok na dala ng bagong normal na ating kinakaharap.

Mahalagang masiguro ng mga distribution utility gaya ng Manila Electric Co. (Meralco) na agad itong makatutugon sa pagbabagong kinakailangan ng bagong normal. Kailangan itong gawin habang isinasaalang-ala ang pagbibigay ng proteksyon sa mga empleyado at customer nito.

Bunga ng kasalukuyang sitwasyon, mas nakikita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat, maaasahan at abot-kayang halaga ng koryente upang masuportahan ang laban ng ating bansa kontra COVID-19. Mahalaga rin ito sa pagpapatuloy ng operasyon ng mga kompanya sa bansa na kasalukuyang nagpapatupad ng work from home set-up at gayon din sa muling pagbangon ng mga negosyo mula sa epekto ng pandemya.

SERBISYO NG KORYENTE SA NCR, ISA SA PINAKA-MAAASAHAN AYON SA ISANG PAG-AARAL

Sa patuloy na pagharap at pagtugon ng bansa sa mga hamon at epektong dala ng pandemyang ito, nananatiling tapat ang Meralco sa responsibilidad nitong maghatid ng sapat at maaasahang suplay ng koryente sa mga customer.

Batay sa datos ng Department of Energy (DOE) at ng Ener¬gy Regulatory Commission (ERC), ang presyo ng koryente ng Meralco ay isa sa pinakamababa sa bansa. Ito ay ayon sa pag-aaral na ginawa ng Energy Literacy Philippines, isang energy think tank sa bansa.

Ang National Capital Region (NCR) na sineserbisyuhan ng Meralco ay ika-apat sa may pinakamababang generation charge sa bansa sa hala¬gang P4.38 kada kilowatthour (kWh) noong 2020.

Photo 2

Ang Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (CALABARZON), kung saan ang ilang lugar ay sakop din ng Meralco, ay pangatlo naman sa may pinakamababang presyo ng generation charge sa halagang P4.27 kada kWh noon ding nakaraang taon.

Ang Cordillera Administrative Region (CAR) ang may pinakamababang generation charge sa halagang P3.91 kada kWh at ikalawa naman ang P4.13 kada kWh ng Eastern Visayas.

Kahit isa na sa may pinakamababang presyo ng koryente sa bansa, patuloy ang Meralco sa pagtupad sa mandato nitong maghatid ng sapat at maaasahang suplay ng koryente sa mga customer nito.

Ayon sa Energy Literacy Philippines, nangunguna rin sa bansa ang Meralco kung ang pag-uusapan ay ang pagiging maaasahan ng suplay ng koryente. Ang Meralco ang naitalang may pinaka-madalang at pinakakaunting oras ng pagkaantala ng suplay ng koryente sa buong bansa.

Ang system average interruption frequency index (SAIFI) ng Meralco, na nagsisilbing sukatan kung gaano kadalas nakararanas ang mga customer ng pagkaantala ng serbisyo ng koryente na tumatagal nang higit sa limang minuto, ang naitalang pinakamababa sa bansa sa bilang na 1.501 na beses noong 2020. Ang datos na ito ay mas maayos nang 15% kompara sa bilang noong 2019 na 1.769 beses.

Gayundin kung system average interruption duration index (SAIDI) o ang karaniwang haba ng pagkaantala ng serbisyo ng koryente naman ang pag-uusapan. Mula sa 188.37 na minuto noong 2019, ang SAIDI ng Meralco ay bumaba sa 163 minuto noong 2020.

Layunin ng Meralco na mas mapabuti pa ang serbisyo nito sa pamamagitan ng pagpapababa pa ng SAIFI sa bilang na isang beses na lamang, at ang SAIDI naman sa 100 minuto. Sa katunayan, sa performance report nito kamakailan, ang kasalukuyang SAIFI ng kompanya mula noong Setyembre ay mas bumaba pa sa bilang na 1.154 beses, habang ang SAIDI naman ay naitala sa 109 minuto.

Dahil sa mga inisyatiba at mahusay na pangangasiwa ng Meralco sa system loss, batay sa datos noong katapusan ng Setyembre, ito ay bumaba sa 5.61% mula sa 6.18% noong parehong buwan noong nakaraang taon. Ito rin ay mas mababa sa itinakdang 6.5% limitasyon ng ERC.

SERBISYONG MAY MALASAKIT

Batid ang mga hamong hinaharap ng mga customer ngayong pandemya, pansamantalang inihinto ng Meralco ang operasyon nito ng pagpuputol ng serbisyo ng koryente ng mga customer na hindi makabayad sa tamang oras simula noong Marso 2020. Ito ay patuloy na ipinatupad sa mga lugar na nasa ilalim ng mas mahigpit na klasipikasyon ng quarantine.

Ang mga customer na nakararanas ng hirap sa pagbabayad ng kanilang mga naipong bayarin sa koryente ay binigyan ng opsyon na magbayad ng pautay-utay sa pamamagitan ng installment payment arrangement sa loob ng apat hanggang anim na buwan.

Dagdag pa rito, inilunsad din ng Meralco ang virtual customer assistant (VCA) at online customer appointment (OCA) upang maging mas madali at ligtas para sa customer ang pakikipag-ugnayan sa kompanya.

Sa pamamagitan ng VCA, ang mga kinatawan ng Meralco na nagtatrabaho mula sa kani¬lang mga bahay ay maaari pa ring makausap ng customer. Samantala, ang OCA naman ay magbibigay ng opsyon ng iskedyul kung nais ng customer magtakda ng araw ng kanyang pagpunta sa business center ng Meralco.

Nakipag-ugnayan din ang Meralco sa Bayad upang magkaroon ng VCA sa mga piling Bayad Center. Ito ay resulta ng tuluy-tuloy na paglulunsad ng Meralco ng mga karagdagang VCA sa mga lugar na sakop ng serbisyo nito.

Ayon kay Meralco Presi¬dent at CEO Atty. Ray C. Espinosa, “Over the past months, Meralco had been called to provide continued quality service under unprecedented situations. We have seen and heard firsthand the plight of our customers who have been economically challenged by the pandemic, and we took it upon ourselves to respond with the kind of service they need now – consistent and reliable, but most of all, driven by humanity and compassion.”

MGA PASILIDAD PARA SA LABAN KONTRA COVID-19, PRAYORIDAD NG MERALCO

Bilang suporta sa laban kontra pandemyang COVID-19, prayoridad ng Meralco ang pagbibigay ng serbisyo ng koryente sa mga pasilidad gaya ng ospital at vaccination center.

Sa pamamagitan ng Meralco COVID-19 Vaccine Roll-out Task Force, nababantayan ng kompanya ang mga pasilidad na mahalaga sa laban kontra pandemya. Sa ganitong paraan, nagiging mas mabilis ang pagresponde ng mga lineman ng Meralco sa mga hindi inaasahang insidente ng pagkaantala ng serbisyo ng koryente sa mga nasabing pasilidad.

Sa kasalukuyan, nasa higit 140 na pasilidad na nakalaan sa laban kontra pandemyang COVID-19 ang nabigyan ng koryente ng Meralco. Kabi¬lang dito ang mga tanggapan ng mga ahensya ng pamahalaan, mga ospital, laboratoryo para sa tes¬ting, quarantine at vaccination center, at mga pasilidad kung saan nakalagak ang mga bakuna.

Ilang halimbawa ng pasilidad na ito ay ang Mega Field Hospital at the Rizal Park; ang Tondo Health Center na gagamiting vaccination center; We Heal As One Treatment Center sa Pasay City; ang Pharmaserv Vaccine Storage Facility at ang COVID-19 Vaccination Facility sa Marikina; RT-PCR Testing Center sa Makati City; ang COVID-19 Treatment Facility sa Malabon City; at ang Solaire PAGCOR Mega Quarantine Facility sa Paranaque City.

Photo 3

Ang listahan ng mga pasi¬lidad na ito na para sa laban kontra COVID-19, lalo na ang mga vaccination center, ay ina¬asahang mas dadami pa kasabay ng pagbabakuna ng mga kabataang may edad 12 hanggang 17 taong gulang. Ayon sa Meralco, kanilang ipag¬papatuloy ang pagbibigay prayoridad sa mga institusyon at pasilidad na mahalaga sa laban kontra COVID-19 kung pagkakabit ng koryente at paghahatid ng serbisyo ang paguusapan hanggang sa tuluyan nang makontrol ang pagkalat ng virus sa bansa.

PAGPAPABUTI NG IMPRASTRAKTURA AT PAGPAPAIGTING NG NETWORK NG DISTRIBUSYON NG KORYENTE

Sa pagtahak ng ating bansa sa landas patungo sa pagbangon mula sa pan¬demya, buo rin ang suportang ibinibigay ng Meralco sa mga programang imprastraktura ng pamahalaan. Kasama rito ang paghahanda ng mga pasilidad na kakaila¬nganin mula sa Meralco upang masigurong hindi maaantala ang konstruksyon ng mga proyektong pang-transportasyon gaya ng EDSA Common Station, ¬LRT-1 Cavite Extension, ¬MRT-7, NLEX-SLEX Connector Road, at Skyway Stage 2.

Batay sa datos noong kata¬pusan ng Setyembre, tinatayang nasa 1,170 na poste ng koryente ang naisailalim sa relokasyon bilang suporta sa proyektong Build Build Build ng pamahalaan, habang 933 na poste ng koryente ang inalis ng Meralco upang magbigay daan sa road widening project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nagpatuloy din ang Meralco sa pagdadadagdag at pagsasaayos ng mga pasilidad para mas mapatibay pa ang distribution network. Kabilang sa mga malalaking proyektong nakumpleto ng kompanya sa loob ng unang siyam na buwan ng taong 2021 ay ang pag-expand ng First Philippine Industrial Park (FPIP) substation at ng San Mateo substation.

Kamakailan ay inanunsyo rin ng Meralco ang plano nitong isailalim sa isang malaking transpormasyon ang 2.1 ektaryang lupain sa Paco, Manila at gawin itong isang sustainable na pasilidad sa loob ng sampung taon.