MERALCO PATULOY SA PAGPAPAHUSAY NG SERBISYO PARA SA MGA CUSTOMER

Joe_take

ANG kampanya ng Manila Electric Company (Meralco) na “Keeping The Lights On” ay nagmula sa iisang hangarin: ang magpatuloy sa paghahatid ng pinakamaaasahang serbisyo ng koryente sa mga konsyumer sa pinakamababang halaga sa kabila ng pandemya.

Nang magsimula ang pandemya noong Marso ng nakaraang taon ay kumilos ang Meralco upang pagbutihin at iangat ang antas ng operasyon nito.

Para sa Meralco, ang pagsisilbi ay hindi lamang dapat natatapos sa matagumpay na paghahatid ng serbisyo. Ito ay dapat ding maging paraan upang matulungan ang mga konsyumer sa kanilang hinaharap na hamon ngayong panahon ng pandemya.

Kaya naman, hindi nagpatinag ang Meralco sa paglulunsad ng mga solusyon at pagbabago upang masigurong hindi maaapektuhan ang operasyon nito.

Dahil sa mga lineman ng kompanya na nananatiling tapat sa kanilang tungkulin at palaging handang maghatid ng serbisyo 24/7, nasiguro ng Meralco na ang serbisyo ng koryente sa lugar na sakop ng prangkisa nito ay patuloy na magiging sapat, ligtas at maaasahan.

Bukod pa rito, nagbigay ng benepisyo ang Meralco sa halos 95,000 na maliliit na negosyo sa natipid nilang higit P3 bilyon sa gastos sa koryente matapos pansamantalang suspendihin ng kompanya ang paniningil ng Guaranteed Minimum Billing Demand (GMBD).

Nang maisailalim naman ang National Capital Region (NCR) sa mahihigpit na lockdown tulad ng enhanced community quarantine (ECQ), modified ECQ, at granular lockdown, sinuspinde ng Meralco ang pagpuputol ng koryente bilang tulong sa mga hirap pang magbayad ng kanilang mga bill. Sa katunayan, sa mga distribyutor ng koryente sa bansa, ang Meralco ang nagpatupad ng pinakamahabang suspensiyon ng operasyon ng pagpuputol ng serbisyo para sa mga customer na hindi makapagbayad sa tamang oras.

Ang mga pasilidad naman sa COVID-19 at mga proyektong imprastraktura na susi sa pagbangon at pag-unlad ng ekonomiya ay siniguro ring mabigyan ng higit na prayoridad upang maprotektahan ang mga bakuna, maipagpatuloy ang gamutan ng mga may sakit, at maiwasan ang pagkaantala sa pagtapos ng mga proyektong pang-Build, Build, Build.

Nagbigay rin ng higit pang konsiderasyon ang Meralco sa pamamagitan ng installment payment agreement (IPA) scheme, o ang utay-utay na pagbayad ng bill sa koryente, upang mabawasan ang hirap ng mga konsyumer.

Bukod sa mga ito, siniguro ng kompanya na magiging madali para sa mga konsyumer ang makipag-ugnayan sa Meralco ukol sa kanilang mga tanong tungkol sa kanilang bill. Lalo pa’t masyadong mapanganib ang sitwasyon sa bansa noong nakaraang taon dahil sa COVID-19, inilunsad ng Meralco ang online customer appointment (OCA) at virtual customer assistance (VCA) upang gawing ligtas at maginhawa ang pakikipag-usap sa mga business center patungkol sa anumang mga concern sa electricity bill.

Naging agresibo rin ang Meralco sa inisyatiba nitong advanced SMS update para sa mga bill reminder, payment confirmation, at service bulletin. Hindi magtatagal ay magkakaroon na rin ng advanced alert para sa mga brownout at restoration ng koryente.

Sa pagbabayad naman, hindi na kailangang mangamba ang mga konsyumer sapagkat inilunsad ng Meralco ang bagong customer account number (CAN) na permanente nang magagamit para sa pagbabayad sa lahat ng mga payment partner nito. Tuloy rin sa pakikipag-ugnayan ang Meralco sa mga payment partner nito upang mapabilis ang posting ng kanilang bill payments.

Noong nakaraang buwan, inilabas ng Meralco ang bago at mas madaling basahing bill ng koryente na naglalayong maipaliwanag kung paano na-compute ang electricity bill ng mga customer.

Isa ring karagdagang feature nito ay ang historical consumption sa loob ng 24 na buwan, na mahalaga upang mas maikumpara ng mga konsyumer ang kanilang buwanang konsumo sa ibang nakalipas na buwan.

Ilan lang ito sa mga inisyatibang ginawa ng Meralco na nagpapatunay ng paghahatid nito ng maaasahan na serbisyo.