MERALCO PINAIGTING ANG PAGSULONG NG MALINIS NA TRANSPORTASYON

Joe_take

ANG polusyon sa hangin ay pinaniniwalaang isa sa mga ‘silent killer’ dahil ito ay sanhi ng napakaraming mga premature death.

Ayon sa isang report ng Centre for Research on Energy and Clean Air (CREA), ang “Aiming Higher: Benchmarking the Philippine Clean Air Act”, sanhi umano sa 66,000 premature death kada taon ang polusyon sa hangin.

Bukod dito, ang pagbaba sa kalidad ng hangin ay nagreresulta umano sa halos P4.5 trilyong nawawalang kita kada taon. Maaari rin itong maging sanhi ng paglobo ng mga kaso ng pandemic death at mga sakit ng  halos 15 porsiyento.

Ang industriya ng transportasyon ay isa sa mga pinakamalaking sektor sa Pilipinas na naglalabas ng carbon emission at naniniwala ang Manila Electric Company (Meralco) na kailangan itong maagapan.

Noong nakaraang taon, naglunsad ang Meralco ng inisyatiba na tinawag nitong Green Mobility program na naglalayong isulong ang paggamit ng mas malinis na alternatibo para sa transportasyon.

Nauna nang nagdeploy ang Meralco ng nasa 60 electric motorcycle mula nang mailunsad ang programa. Noong Martes, mas pinalakas pa ito sa pamamagitan ng pagdedeploy ng karagdagang 69 EVs. Ito ay binubuo ng mga kotse, van, pick-up truck, at motorsiklo, at magsisilbing transportasyon ng mga tauhan ng kompanya mula sa mga business center at sector office na nakatalagang maghatid ng serbisyo para sa mga customers ng Meralco.

Ang paglulunsad ng panibagong batch ng EV ay alinsunod sa plano ng kompanya na gawing electric vehicle ang lahat ng sasakyang ginagamit sa operasyon at serbisyo nito. Sa kasalukuyan, ang lahat ng service vehicles sa Metro Manila business centers ay electric na.

Sa ilalim ng Green Mobility Program, nilalayon ng Meralco na mapababa ang greenhouse gas emissions nito at itulak ang paggamit ng EV sa bansa. Ang mga electric vehicle ay gumagamit ng mas malinis na energy source kaya naman hindi ito naglalabas ng mga nakalalason na usok at gas na nakasasaama sa kapaligiran.

Nakita na natin ang pagsisimula ng pag-usbong ng electric vehicle sa bansa lalo at ang sistema ng transportasyon sa Pilipinas ay lubos na naapektuhan ng pandemya. Ang mga electric bike ay kapansin-pansin na ngayon at ibinebenta na sa mas abot-kayang halaga.

Upang masuportahan ang inisyatibang ito, nag-install ang Meralco ng limang charging station sa mga istratehikong lugar sa franchise area nito upang hindi na mahirapan sa paghahanap ng charging station ang mga kasalukuyang EV users.

Dagdag pa, sa pamamagitan ng subsidiary nitong eSakay Inc., naglunsad din ang Meralco ng end-to-end EV at charging infrastructure solutions para sa mga institutional customer, sa mga riding public, at mga business partner na kaisa sa layunin na ipagpatuloy ang operasyon ng mga negosyo habang pinapababa ang carbon emission.

Kailan lamang ay nakipagpartner ang tech-logistics company na Mober sa eSakay para sa mas malinis na parcel delivery operations nito pati na rin ang McDonald’s Philippines, para sa deployment ng EV charging station para sa mga e-bikes at e-scooters sa mga McDonald’s Green at Good Stores na matatagpuan sa  UN Avenue sa Ermita, Manila at Wack Wack sa Mandaluyong.

Ayon kay Meralco President at Chief Executive Officer, Atty. Ray C. Espinosa, ang lahat ng ito ay nakatutok patungo sa iisang layunin—na maprotektahan at ingatan ang mundo, lalong-lalo na upang mabigyan ng mas magandang kalidad na pamumuhay ang mga susunod pang henerasyon.