Pinaigting ng Manila Electric Company (Meralco) ang wire clearing operations nito sa Quiapo, Maynila bilang paghahanda sa Pista ng Jesus Nazareno sa ika-9 ng Enero 2025 kung kailan inaasahang dadagsa ang milyun-milyong deboto.
Nakipagtulungan ang Meralco engineers at linecrew sa lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila para masigurong ligtas at iwas-sabit ang mga daraanan ng andas na sakay ang imahe ng Jesus Nazareno. Itinaas ang mga nakalalaylay na kable at sinuri na rin ang mga poste sa kalsada ng Conception Aguila upang maiwasan ang mga aksidente habang idinaraos ang prusisyon.
“Ang taunang Traslacion ay isa sa mga malalaking kapistahan na dinadaluhan ng milyun-milyong Pilipino sa Quiapo. Patuloy na nakikipagtulungan ang Meralco sa lokal na pamahalaan ng Maynila upang matiyak ang kaligtasan ng publiko,” ayon kay Meralco Vice President at Corporate Communications Head Joe R. Zaldarriaga.
Regular na isinasagawa ng Meralco ang Anti-Urban Blight campaign para mapanatili ang pampublikong kaligtasan at masiguro ang kalidad ng serbisyong hatid nito sa kanilang mga customer.