PINASINAYAAN kamakailan ng Manila Electric Company (Meralco) ang bagong Balagtas 115 kilovolts (kV)-34.5 kV Substation na matatagpuan sa kahabaan ng McArthur Highway. Makatutulong ang bagong substation sa lalong pagpapabuti ng kalidad at sistema ng kuryente sa lugar. Bahagi ng proyekto ang pagtatayo ng 115 kV switchyard, pagkakabit ng 83 MVA power transformer bank, pagbuo ng bagong 115 kV line na may kabuuang haba na walong (8) kilometro, at tatlong (3) 34.5 kV distribution feeder.
Matutugunan din ng Balagtas Substation ang kritikal na loading ng mga sub-station ng Sta. Maria at Saog. Makatutulong din ito sa pagpapabuti ng distribution system at makakadagdag din sa kasalukuyang kapasidad para matugunan ang lumalaking pangangailangan sa kuryente sa Balagtas, Bulacan pati na rin sa mga kalapit na lugar, kabilang na ang paunang pangangailangan sa kuryente ng iminungkahing Bulacan airport at railway. Bukod pa dito, makatutulong din ang bagong substation sa agarang pagbabalik ng serbisyo ng kuryente sa Balagtas, Sta. Maria, Bocaue, at Marilao sa Bulacan kapag mayroong antala.
Patuloy na nagsusumikap ang Meralco na palakasin pa ang distribution system nito upang matiyak ang paghahatid ng ligtas, maaasahan, at tuluy-tuloy na serbisyo ng kuryente sa mga customer nito.